Madamdaming ibinahagi ng mga artistang sina Sanya Lopez at Ashley Ortega ang kanilang isinadulang “Pulang Araw”, ang mga naganap na karahasan at pagpatay sa mga Pilipino, maging ng panggagahasa sa mga Pilipina noong panahon ng Hapon.
Hinimok ng dalawang artista ang mga Pilipino na panoorin ang nasabing serye ng Pulang Araw dahil magsisilbi itong paalala sa lahat na kailanman ang digmaan ay walang buting maidudulot lalo na sa mga kababaihan.
Patuloy namang nananawagan ang samahan ng Flower for Lolas at No To War Coalition para sa karampatang kompensasyon, pag-amin sa nagawang mga kasalanan ng mga Hapon noong sinakop nila ang Pilipinas at paghingi ng kapatawaran lalo na sa mga ginahasang Pilipina nang panahong iyon.
Ayon kay Atty. Virginia Suarez ng Stop the War Coalition, “lahat ng giyera ay lagi nang may pananakop sa teritoryo at may pananakop sa katawan ng babae, talo ang lahat ng mga babae at kabataan sa panahon ng giyera, pero ang giyera din ay pinagkikitaan ng mga kumpanyang gumagawa ng armas pang-giyera.” Kasabay nito ang kanyang panawagan sa kapwa Pilipino na manindigan laban sa giyera dahil ang Pilipinas sa kasalukuyan ay pumapasok sa maraming military agreement sa iba’t-ibang bansa at pinangangambahang madamay tayo sa giyera ng ibang bansa.
Dismayado pa rin si Teresita Ang See dahil sa dahil sa mga estatwa na tinanggal ng ilang lokal na pamahalaan tulad sa Laguna, biglang pagkawala sa may Roxas Boulevard, maliban pa sa nawalang estatwa ng isang eskultor na dapat ilalagay sa Baclaran Shrine. Aniya, isang kahihiyan ito sa panig ng Pilipinas dahil ang nag-iisa lang na estatwa ng comfort women ay hindi pa pinapayagan gayong mas kinakatigan pa ang Kamikaze pilot statue na itinayo sa Mabalacat, Pampanga.
Naninindigan naman si Sharon Silva ng Lila Filipina para sa mga Filipina Comfort Women hindi lamang umano sa Pilipinas kundi hanggang sa United Nations. Aniya, dokumentado ang mga istorya maging mga testimonya ng mga lola. “Itutuloy natin ang laban, mawala man lahat ang mga lola natin, documented ang kanilang mga estorya hindi lamang sa atin kundi sa international bodies. In fact, our own government, mga records din ng kanilang mga testimonies.”
“Panawagan sa kabataan, aralin ang kasaysayan, matutong mahalin muli ang ating bayan. Essentially, yung question ng Conflict of Interest was a question ng colonial war. Dapat matututong manindigan yung ating mga kabataan lalo na ang ating mga kabataang kababaihan. Hindi na dapat manyari ang mga giyera ng pananakop, dito man sa Pilipinas o sa ibang bansa man.”
Dagdag ni Silva, “panahon na rin para magtayo ng isang organisasyon ng mga kabataan na tumututul sa giyera ng pananakop. Kami sa Lila Pilipina Youth for Peace, yan yung isang sinisikap naming maitayo upang maipagpatuloy ang laban ng mga lola at sandata sa hinaharap sakaling mangyari ang giyera ng pananakop.”#