Nagsagawa ang National Housing Authority (NHA) Gender and Development (GAD) Focal Point System ng tatlong-araw na Planning and Budgeting Workshop sa Mabitac, Laguna, bilang patunay ng pagtutupad ng programa, aktibidad, at proyekto na nagtataguyod ng pagkakapantay-pantay ng kasarian sa ilalim ng pamumuno ni General Manager at Gender and Development (GAD) Champion Joeben A. Tai.
Layunin ng kaganapang ito na tuklasin ang mga karagdagang oportunidad upang itaguyod ang pagkakapantay-pantay ng kasarian at pagpapalakas ng kababaihan para sa mga empleyado at benepisyaryo ng NHA sa 2025. Kabilang sa mga pangunahing inisyatibo na tinalakay ang mga training seminar, forum, at mga aktibidad sa serbisyo, tulad ng mga programa sa kamalayan tungkol sa sexual at mental health, “Serbisyo kay Juana,” mga advocacy run para sa kababaihan, at iba pa.
Bilang kinatawan ni NHA GM Tai, binigyang-diin ni Assistant General Manager Alvin S. Feliciano sa isang talumpati, ang pangmatagalang epekto ng mga programa ng GAD ng NHA. “Ang mga ginagawa ninyo ngayon ay makikinabang ang mga susunod na henerasyon. Ang bawat programang GAD na pinlano at ipinatupad ng ahensya ay makatutulong sa pagpapataas ng kamalayan at pagtatakda ng pamantayan para sa inklusibidad at pagkakaiba-iba sa pang-araw-araw na buhay,” pahayag ni NHA AGM Feliciano.
Ang training ay pinangunahan ni Atty. Maria Magdalena T. De Leon-Siacon, Manager ng Housing Support Services Group at GAD Chairperson, kasama si Atty. Sergio D. Domasian, Manager ng Management Services Group at Vice Chairperson.
Bilang pagkilala sa mga patuloy na pagsisikap nito, pinarangalan ang NHA ng dalawang Silver GADTimpala Awards ng Philippine Commission on Women (PCW) noong Agosto 2023, na kinilala ang natatanging GAD Focal Point System nito at ang katayuan bilang isang gender-responsive agency. Nakakuha rin ang NHA ng Bronze GADTimpala Award noong 2019 para sa pagiging isang natatanging gender-responsive na ahensya ng gobyerno.
Sa patuloy na mga inisyatibo nito at matatag na pamumuno, nakatakdang itaguyod ng NHA ang mga tagumpay na ito at higit pang isama ang gender-responsiveness sa kultura ng organisasyon at mga serbisyo nito sa 2025 at sa hinaharap.#