Bilang pagpapakita ng matibay na dedikasyon sa serbisyo publiko, lumahok ang National Housing Authority (NHA) sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) Agency Summit sa Philippine International Convention Center (PICC) noong Agosto 19-21, 2024.
Sa pangunguna ni NHA General Manager Joeben Tai, pinamunuan ni Assistant General Manager Alvin S. Feliciano ang delegasyon ng ahensya, kasama ang lahat ng 17 regional managers ng NHA sa bansa. Pagpapatunay ito ng pagsisikap ng ahensiya na mapahusay at mapabilis ang mga mga programang pabahay bilang mahalagang bahagi para sa kapakanan ng pamilyang Pilipino.
Nilahukan ng mga ahensiya ng gobyerno at pribadong sektor ang summit kung saan nagsilbi itong plataporma para magbahagi ng kanya-kanyang makabagong estratehiya at pinakamahuhusay na pamamaraan upang tiyak na matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga benepisyaryo.
Bilang housing production arm ng gobyerno, natutuhan ng NHA ang mga bagong diskarte at teknolohiya sa pagpapahusay ng mandato nito sa pagbibigay ng disente at abot-kayang pabahay at maging mauunlad na komunidad para sa mga benepisyaryo.
Umaasa ang NHA na makapagtatag ng mga ugnayan at makiisa sa mga talakayan gamit ang mga bagong natutuhan sa summit upang magsilbi sa mas marami pang maralitang Pilipinong naghahangad ng disente at murang pabahay.#