Bilang bahagi ng layuning pagkakapantay-pantay, nagsagawa ang National Housing Authority (NHA) ng limang araw na Gender and Development (GAD) Pool of Trainer’s Training para mga piling opisyal at kawani ng Ahensya sa NHA Main Office sa Quezon City noon August 12-16, 2024.
Sa ilalim ng liderato ni NHA General Manager Joeben A. Tai, misyon ng aktibidad na makapagtalaga ng mga bihasa at mahuhusay na tagapagsanay na kawani ng Ahensya na magtuturo ng kaalaman sa gender sensitivity at pagkakapantay-pantay sa opisina, komunidad at pamilya. Pamumunuan ng mga kalahok ang mga susunod pang pagsasanay at aktibidad ng GAD sa tanggapan ng NHA at mga proyektong pabahay katuwang ang iba’t ibang mga organisasyon at institusyon.
Alinsunod sa inaprubahang NHA 2024 GAD Plan and Budget, ang mga bagong tagapagsanay ay inaasahang mangasiwa sa pagsasagawa ng Gender Sensitivity Training and Orientation on Related Laws (GST-ORL) para sa mga benepisyaryo ng pabahay upang palawigin ang kaalaman sa mga kinahaharap na suliranin at pangangailangan ng bawat komunidad patungkol sa kasarian.
Ang isang linggong pagsasanay ay bahagi ng matagal nang adhikain ng NHA na bumuo ng mga progresibong komunidad, habang sinisiguro ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga benepisyaryo, pati na rin ang paglinang at pagkilala sa kanilang mga kakayahan anuman ang kanilang kasarian.
Kinilala noong Agosto 2023 ang NHA ng Philippine Commission on Women (PCW) bilang isang GADtimpala Silver Awardee para sa huwaran nitong GAD Focal Point System.#