Bilang paggunita sa National Indigenous Peoples (IP) Day, pinagtibay ng National Housing Authority (NHA), sa pamumuno ni General Manager Joeben Tai, ang adhikain nitong maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga katutubong Pilipino, habang binibigyang-diin ang mga inisyatibo ng Ahensya na makapagkaloob ng pabahay na naaayon sa kultura ng bawat pangkat-etniko ng bansa.
Sa kasalukuyan, sa ilalim ng Housing Assistance Program for Indigenous Peoples (HAPIP), matagumpay na nakapagpatayo at nakapagkaloob ng 3,535 pabahay ang Ahensiya sa iba’t ibang katutubong pangkat sa bansa na mas ginawang kapaki-pakinabang ng mga programang pangkabuhayan para sa mga naturang benepisyaryo.
Upang patuloy na isabuhay ang pangakong ng Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na isang Bagong Pilipinas, patuloy ang NHA sa pagkakaloob ng pabahay at pangunahing serbisyo sa mga Pilipino, kabilang ang mga pangkat-etniko sa malalayong lugar.
Kamakailan lamang, nakapaggawad ang NHA ng mga bagong pabahay sa mga katutubong pamilya sa Davao del Norte, Sarangani, Mismais Oriental, at Zamboanga del Sur na nagmula sa mga pangkat ng Mansaka, Mandaya, Kagan, Dibabawon,Manobo, B’laan, Subanen, Kaolo, Bagobo, Hiligaynon, Higaonon, Mangguangan, Tagakaolo, at Ata-Manobo.
Ang matagumpay na implementasyon ng NHA HAPIP ay naging posible sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at mga lokal na pamahalaan ng bawat katutubong pangkat. Higit pa rito, kasama rin sa pagbuo at pagpapatupad ng nasabing programa ang mga pinuno ng bawat katutubong komunidad upang bigyang-halaga rin ang kultura’t tradisyon ng kanilang mga pangkat.
Sa isang mensahe, binigyang-diin ni GM Tai ang kahalagahan ng mga IP sa kultura at tradisyon ng bansa na kinikilala naman ng NHA sa pamamagitan ng HAPIP.
“Para sa akin, ang mga kapatid nating IPs ay tunay na malapit sa aking puso sapagkat sila po ang sumasagisag sa napakayamang tradisyon at kultura ng Pilipinas. Importante po sa amin na ang mga proyektong pabahay ay naaayon sa uri ng inyong pamumuhay at mga paniniwala at dumaan sa masusing pag-aaral katuwang ang inyong lokal na pamahalaan at ng National Commission of Indigenous Peoples (NCIP),” ani NHA GM Tai.#