Hindi pa nakaahon dahil sa bagyong Carina na sinalanta ng baha ang mga tahanan, sinira ang mga kagamitan ng mga mangingisda at mamamayan, muli na namang hindi makapangisda sa baybaying bayan sa paligid ng Manila Bay dahail barko na may kargang 1.4 milyong litro ng industrial oil mula sa lumubog na MT Terranova sa labas ng Limay, Bataan.
Ayon sa pamahalaan ay maaring tumagas ito at kumalat sa karagatan at maaring umabot sa iba pang mga baybayin sa Manila Bay ano mang sandali. Kinumpirma rin kamakailan ng lokal na pamahalaan ng Bulacan na umaabot na ito sa Barangay Pamarawan sa Malolos Bulakan. Pangamba ng Pangisda na ang mga baybayin na tatamaan nito mula sa Bataan, Zambales, Batangas at maari pa itong makarating sa isla ng Mindoro.
Nanawagan at humiling naman ang grupo sa pamahalaan ng mabilis na tulong para sa kabuhayan ng mga apektadong mangingisda, parusahan at pagbayarin ang korporasyon sa pinsalang dulot nito sa mangingisda gayundin ng pagkasira ng ekosistema ng Manila Bay at ng kalikasan, kaagad na pigilin ang paglawak, paglaganap pa ng pinsala na dulot ng Oil spill sa mga baybayin ng Manila Bay kasama ang iba pang karatig na mga lalawigan inabot ng pinsala mula sa Bataan, ipatupad ng mahigpit ang polisiya sa paglalayag ng ganitong kargamento sa ating karagatan at protektahan natin ang kalikasan, pangisdaan at mamamayan laban sa ganitong mga kawalan ng pag-iingat at kapabayaan.
Ayon sa Pagkakaisa ng mga Samahan ng Mangingisda (Pangisda), hindi ngayon lang nagkaroon ng oil spill sa karagatan kundi paulit ulit na ito na laging ang pinagmumulan ng barkong naglalaman ng libo-libong hanggang milyong litro ng industrial oil ay ang planta na nakatayo sa bayan ng Limay sa Bataan. Anila, ang pamahalaan ay may pinakamalaking tungkulin upang maiwasan ang ganitong mga pangyayari.
“Kaming mga mangingisda na nabubuhay sa likas na yaman ng kalikasan at pangisdaan. Matiyak lang ng pamahalaan na ang ating pangisdaan ay malinis, mayaman sa likas yaman, uunlad na din ang aming kabuhayan, maitatawid namin ang pang-araw-araw na pangangailangan ng aming mga pamilya,” pagtatapos ni Pablo Rosales, Pangulo ng Pangisda Pilipinas.#