Home Agriculture “Hirap na hirap na kami, hindi pakikidigma Pangulo kundi pagkain, trabaho at...

“Hirap na hirap na kami, hindi pakikidigma Pangulo kundi pagkain, trabaho at kalikasan ang kailangan namin” -Pangisda Pilipinas

0
86

Malalim ang kahirapan at kagutuman ng mga mangingisda at mamamayan ng Pilipinas, nagpapatuloy ang pagliit ng kapasidad ng pangisdaan na magbigay ng likas na yaman para sa kabuhayan ng sektor na dito nakaasa ang pang-araw-araw na pangangailangan ng mga pamilya. Hindi nababawasan ang mga suliranin na dahilan ng pagkasira ng pangisdaan, kalikasan na nagreresulta ng kawalan ng hanapbuhay ng mga Pilipinong nabubuhay sa likas na yaman gaya ng mga magbubukid at mangingisda. Dulot ito ng pagpapalit gamit ng pangisdaan tungo sa gamit komersyal, industriyal at turismo, malaganap pa rin ang mapanirang paraan ng pangingisda, patuloy na pagpasok ng mga komersyal na palakaya sa munisipal na pangisdaan, at dagdag pa ang pagkakait sa mga mangingisda na makapangisda sa WPS. Ibig lang sabihin, nangingibabaw ang interes, kapangyarihan at pakinabang ng mga malaking kapitalistang lokal at dayuhan sa ating pangisdaan at likas na yaman.

Matatandaan na maging ang DA ay nagsabi na ang pagpapaunlad ng lokal agrikultura at pangisdaan ang tanging daan tungo sa pagkakamit ng seguridad sa pagkain at hanap buhay at magpapababa ng presyo ng pagkain. Ang DA din ang nagsabi na dapat ibalik sa 50% ang taripa ng mga imported ng produktong agrikultura sa halip na ibaba sa 35% at kabilang din ang DA sa binuong Task Force WPS para pangunahan ang mapayapang paglutas sa nagaganap na sigalot. Sa kabila ng mga ganitong pahayag ay humakbang ang pamahalaan at nilabas, nilagdaan ang EO No. 62 noong June 20, 2024, na nagtatakda ng 15% nalang ang taripang ipapataw sa lahat ng imported na produkto hindi lamang ang produktong agrikultural at pangisdaan, ibig sabihin lalong babaha ang imported na produkto na papatay sa ating lokal na tagapaglikha ng produktong agrikultural. Habang ang usapin sa WPS ay tumaas ang tensyon na siyang dahilan ng lalong pagkatakot ng mga mangingisda na mangisda sa WPS. 

Nanawagan ang Pangisda Pilipinas sa pamahalaan na protektahan, suportahan at paunlarin natin ang lokal na agrikultura, huwag nating ibukas ng lubusan ang bansa sa pagbaha ng imported na produkto, sa halip na ibaba ang taripa gamitin ito laban sa hindi pantay na kompetisyon, sa usapin nman ng WPS ang paniniwala ay dapat na lutasin ito sa deplomatiko, mapayapa at mapagkaisang paraan, hindi katulad ng ginagawa ngayon na parang paghahanda sa pakikidigma. "Hindi po gyera ang sagot, lalo lamang tayong mababaon sa krisis, ang kailangan po natin pagkain, trabaho at malusog na kalikasan, matagal na tayong binabaha ng imported na produkto hindi naman po bumababa ang presyo lalo pa nga itong tumataas at sumasaid sa dugo at lakas ng mamamayan, pinapatay ang kabuhayan ng mga mangingisda at magbubukid." 

Nanawagan ang Pangisda Pilipinas sa mamamayan na sama-sama protektahan ang pangisdaan, likhain ang kasiguruhan sa pagkain at pangmatagalang hanap buhay, pangalagaan ang kalikasan at tanggihan ang anumang hakbang na lalong magbabaon sa krisis ng kahirapan at kagutuman, huwag hayaan na  nadidiktahan ang mga hakbang upang lutasin ang mga panloob na usapin , panahon ito ng pagtindig at pagpapasya sa sarili. 

“Magkaisa po tayo para sa ating masagana at maaliwalas na bukas ng ating mga susunod na salinlahi. Mabuhay ang Sambayanang Pilipino,” pagtatapos ng mensahe ni Pablo Rosales, Pambansang Pangulo ng Pangisda Pilipinas.#

NO COMMENTS