Iginawad ng National Housing Authority (NHA) ang 52 na pabahay sa mga pamilyang biktima ng lindol sa Cotabato sa isang seremonya na ginanap kamakailan lang.
Nagkakahalaga ng P15 milyon, ang proyektong pabahay na matatagpuan sa Brgy. New Caridad, Tulunan, kung saan ang bawat yunit ay may sukat na 27.5 sqm at binubuo ng sala, kwarto, kusina at banyo.
Sa patnubay ni NHA General Manager Joeben A. Tai, ang 52 pabahay na iginawad ay bahagi ng kabuuang target na 517 na mga unit para sa lahat ng pamilyang biktima ng lindol mula sa apat pang barangay sa Tulunan: Magbok (122), Paraiso (140), Daig (140), at Batang (63).
Sa ilalim ng Housing Assistance Program for Calamity Victims (HAPCV), patuloy ang NHA sa pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) bilang pagsasakatuparan ng inisyatibo nitong magpatayo ng mga de-kalidad, disaster-resilient at malayo sa mga delikadong lugar na pabahay para sa mga pamilyang biktima ng mga kalamidad tulad ng lindol, bagyo at mga pagbaha.
Bilang kinatawan ni NHA GM Tai, pinangunahan ni Region XII Manager Engr. Zenaida M. Cabiles ang aktibidad kasama sina Cotabato Governor Emmylou J. Taliño-Mendoza, Vice Governor Efren F. Piñol, Tulunan Mayor Reuel P. Limbungan, Vice Mayor Abraham L. Contayoso at Office of Civil Defense XII Regional Director Raylindo S. Aniñon.
Samantala, 103 pamilyang nasunugan ang tumanggap ng kabuuang P1,410,000 ayuda mula sa Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ng NHA NCR-West Sector at Region X. Pinangunahan ni NHA NCR-West Sector Acting Regional Manager Rodrigo P. Rocillo ang pamamahagi ng tulong pinansiyal sa Sta. Cruz, Manila, habang si Regional Manager Engr. Homer T. Cezar ang nanguna sa pamimigay ng tulong sa mga benepisyaryo ng Cagayan de Oro City.#