Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na pabilisin ang konstruksyon ng Yolanda Permanent Housing Project (YPHP), inatasan ni National Housing Authority (NHA) General Manager Joeben A. Tai si Assistant General Manager Alvin S. Feliciano na pangunahan ang inspeksiyon ng iba’t ibang YPHP site sa mga probinsya ng Aklan at Antique kamakailan lang.
Kabilang sa mga binisita ni NHA AGM Feliciano ay ang Phase 1-4, 6A at 6B ng New Washington Housing Project; Olympus Residences 1 at 2; Batan Resettlement 1-4; Kalibo Town Homes; Barbaza Residences 1 and 2; at Patnongon Vista Residences.
Layunin ng inspeksiyon na suriin ang kasalukuyang estado ng mga itinatayong pabahay sa ilalim ng YPHP at matukoy ang mga hakbang upang mas mapabilis ang pagkakaloob nito sa mga pamilyang nasalanta ng Yolanda sa mga nasabing probinsya.
“The Authority is eager to finish all the YPHP housing backlogs at the soonest possible time. We are closely monitoring the progress and immediately putting action to completely turnover the houses to the beneficiaries,” ani NHA GM Tai.
Bilang bahagi ng direktiba ni NHA GM Tai, nagsagawa rin ng magkakahiwalay na pakikipagpulong si AGM Feliciano kina Aklan Governor Jose Enrique M. Miraflores, New Washington Mayor Jessica Regenio-Panambo, Patnongon Mayor Johnnyflores S. Bacongallo, at Barbaza Mayor Gerry C. Necor upang talakayin ang kahalagahan ng suporta at pakikipagtulungan ng kanilang mga lokal na pamahalaan sa pagsasakatuparan ng mga proyektong pabahay na ito.#