Upang masigurong may sapat na suplay ng tubig sa Zamboanga City Roadmap to Recovery and Rehabilitation (Z3R) project sites, inilahad ng National Housing Authority (NHA) ang katatapos lang na pagsasaayos ng water system sa nasabing lugar.
Sa ginanap na ceremonial blessing, turnover, and acceptance program, pinangunahan ni NHA Region IX Manager Engr. Al-Kwarizimi U. Indanan, na kumatawan kay NHA General Manager Joeben A. Tai, ang pagpapasinaya sa isang booster station at pagbubukas ng fire hydrant sa proyektong Z3R.
Bahagi din ng nasabing proyekto ang pagsasagawa ng isang concrete ground tank at concrete overhead tank upang palawakin ang pagdaloy ng tubig sa loob ng Z3R housing project. May kabuuang 200 cubic meter ng tubig ang maaaring maiimbak sa mga nasabing tangke.
Kasama rin sa inisyatibo ng NHA, sa pangunguna ni GM Tai, at Zamboanga City Water District (ZCWD) ay ang agarang pagtapos at pagpapaganda sa isinasagawang pipe installation sa nasabing proyekto.
Bilang pagtupad sa adhikain ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng isang Bagong Pilipinas, patuloy ang NHA sa pagpapatupad ng iba’t ibang proyekto at aktibidad na naglalayong iangat ang antas ng pamumuhay ng mga benepisyaryo ng ahensya.
Dumalo sa nasabing aktibidad sina Zamboanga City 2nd District Representative Manuel Jose M. Dalipe, Mayor John M. Dalipe, ZCWD General Manager Reynaldo R. Cabilin at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan.
Samantala, pinangunahan nina Assistant General Manager Alvin S. Feliciano at NCR-West Sector Regional Manager Engr. Rodrigo P. Rocillo ang pakikiisa ng ahensya sa LAB FOR ALL Caravan ng Unang Ginang Louise Araneta-Marcos. Ito ay ginanap sa Mandaluyong City College and Technology Gymnasium.#