Para sa tag-ulan na taniman, inilunsad ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Seed Program ang proyekto na PalaySikatan 2.0, ito ay mas pinalawak na technology demonstration sa mga piling lugar.
Sa PalaySikatan 2.0, ang mga rekomendadong binhi ng inbred na barayti kasama na ang iba pang makabagong teknolohiya sa pagsasaka ay ipapamalas sa mga palayan na may lawak na 50 ektarya kada site.
Kada season, ang PalaySikatan 2.0 ay isasagawa sa 25 sites sa buong Pilipinas. Ngayong darating na panag-ulan, ito ay inaasahan na maipapamalas sa mga probinsya ng Isabela, La Union, Ifugao, Aurora, Zambales, Bataan, Quezon, Laguna, Camarines Norte, Albay, Capiz, Leyte, Southern Leyte, Bohol, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Surigao del Sur, Zamboanga del Sur, Bukidnon, Davao de Oro, Cotabato, South Cotabato at Maguindanao.
Para mas mapabuti ang implementasyon, katuwang ng RCEF ang Rice Business Innovations System (RiceBIS) 2.0 Program para sa pagpapalakas ng agri-enterprises ng mga kooperatiba at asosasyon ng magsasaka.
Bukod pa rito, may inilaan din na pondo para sa mga rehistradong PalaySikatan 2.0 Farmer Partners (FPs) na siyang magsisilbing suportang pinansyal para sa mga karagdagang agri-inputs o renta sa makinaryang pambukid na nais nilang gamitin sa kanilang palayan. Ang kanilang matatanggap na suportang pinansyal na maaaring umabot sa P6,000 kada ektarya ay nakaayon sa sukat ng kanilang palayan na irerehistro sa proyekto. Makakatanggap din sila ng iba’t-ibang probisyon tulad ng libreng dekalidad na binhi mula sa RCEF Seed Program, technical assistance sa pamamahala ng palayan, trainings at iba pa.
Ipapamalas din sa ilalim ng proyektong ito ang paggamit ng Smart-agri technologies tulad ng Binhi e-Padala para sa mas pinadali na pagtanggap ng binhi, PalayCheck App sa pamamahala ng mga gawaing bukid at pagmonitor ng gastos sa produksyon, at, PRIME Collect App para sa mga rekomendasyon sa pamamahala ng peste at sakit. Dagdag pa rito ang paggamit ng resulta ng Minus-One-Element-Technique (MOET) tests na siyang ginamit na teknolohiya para sa tamang pag-aabono.
Para sa karagdagang impormasyon sa pagpapalayan, mag-text o tumawag sa PhilRice Text Center bilang 0917 111 7423. I-follow din ang PhilRice Facebook page nang updated ka sa usaping pagpapalayan! Maaari ring mapanood ang mga rice technology videos sa Youtube at TikTok. Hanapin lamang ang PhilRice TV at Rice_Matters.#