Nakatakdang ipatayo ng National Housing Authority ang 100 na pabahay para sa mga informal settler families (ISFs) ng Pantukan sa Davao de Oro.
Kamakailan lang, personal na ibinigay ni NHA General Manager Joeben Tai ang unang bahagi ng pondo na nagkakahalaga ng P15 milyon mula sa P25 milyong badyet para sa pagtatayo ng Bag-ong Pantukan Village.
“Layon ng ahensya na mabigyan ng tahanan ang bawat pamilyang Pilipino alinsunod sa Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing [4PH] Program ng ating Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. Naniniwala rin kami na ang bawat bahay ay panimula sa bagong buhay ng ating mga benepisyaryo,” ani NHA GM Tai.
Ang BP Village ay sakop ng programa ng NHA na Resettlement Assistance Program to Local Government Units (RAP-LGU) na layuning magbigay ng pinansyal at teknikal na tulong sa mga LGU sa implementasyon ng kanilang mga programa sa urban development at housing.
Matatagpuan sa Brgy. Kingking, Pantukan, ang 4.4 ektaryang lugar ng pabahay ay inaasahang mapagtatayuan ng 100 pabahay para sa mga informal settler families (ISFs) na naninirahan sa mga delikadong lugar, mga maaapektuhan ng mga proyektong pang-imprastruktura ng pamahalaang bayan, mga pamilyang may kautusan ng hukuman para sa pagpapaalis, at yaong mga kwalipikado sa tulong-relokasyon at resettlement sa ilalim ng Republic Act (RA) 7279 o ang Urban Development and Housing Act.
Noong Hunyo 7, 2024, isinagawa ang groundbreaking ceremony para sa BP Village kung saan ito ay pinangunahan nina Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Undersecretary Rovin Andrew M. Feliciano, NHA Region XI Manager Engr. Clemente A. Dayot, Mayor Leonel D. Ceniza ng Pantukan, at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan.
Samantala, habang nasa Rehiyon ng Davao, binisita rin ni NHA GM Tai ang Mont Eagle Ville Subdivision sa Brgy. Kidawa, Laak, Davao de Oro upang suriin ang lugar ng pabahay at kalagayan ng mga benepisyaryo.#