Binatikos ng Katipunan ng Demokratikong Pilipino (KDP) noong Martes (Hunyo 4) sina Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy at United States President Joe Biden dahil sa pagpapalaki ng Ukrainian War sa loob ng teritoryo ng Russia.
Sa panayam ni Benjamin Alejandro noong Martes sa DZME, sinabi ni KDP President Itos Valdes na sinuspinde ni Zelenskyy ang mga halalan sa Ukraine kaya kumikilos sya nang tulad sa isang diktador.
Si Zelenskyy ay nagkaroon ng biglaan at hindi ipinaalam na pagbisita kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. noong Lunes. Sa pakikipagpulong kay Pangulong Marcos sa Malacañang, ipinahayag din ni Zelensky ang pangangailangan ng tulong sa mga kaso ng pag-iisip sa kanyang bansa dahil sa patuloy na digmaan na nagaganap lalo na sa mga sundalong pagod na sa labanan.
Dagdag pa ni Valdes na si Zelenskyy ay naglilibot sa mundo para humingi ng pera at suportahan sa kaniyang patuloy na pakikidigma sa Russia. Dahil dito, ayon sa mga pagsusuri at pagkunsulta sa mga International Political Analyst at Military Experts na patunay ito na talo na ang Ukraine at di na umano masyadong gumagalaw si Putin ng Russia dahil ayaw naman nitong sakupin ang Ukraine.
Isa pang mahalagang binanggit din ni Valdes na si Biden ng Amerika ay nagbigay na rin ng go signal para atakihin ng Ukraine, gamit ang ibinigay ng Amerika na mahigit US$6-bilyong halaga ng mga suplay at armas ng militar para atakihin ang loob ng teritoryo ng Russia. Isang bagay na ayaw umano ng mundo dahil magdadala ito sa Ikatlong Digmaang Pandaigdig at sa pagkakataong ito ay armas nukleyar ang gagamitin ng mga nag-aaway na bansa.
Dahil dito, nagbabala si Russian President Vladimir Putin sa Ukraine kasama ang mga bansang kasapi ng NATO na simula na ito ng giyera gamit ang armas nukleyar at mas lalawak pa ang giyera kung susundin ang sinabi ni Biden. Paalala rin ni Valdes na ang Russia sa kasalukuyan ay ang seryoso at may malakas na armas nukleyar sa mundo.
Nauna nang idineklara ni Russian President Vladimir Putin na hindi siya magdadalawang-isip na maglunsad ng tactical nuclear war kung aatakehin ang Russia sa loob ng teritoryo nito.
Dagdag pa ni Valdes, malamang na sasama ang China sa Russia sa labanang ito at matatandaang nagbabala rin ang China na huwag palawakin ang impluwensya ng NATO sa Europa.
Sa kanyang pananaw at batay sa mga eksperto sa militar, sinabi ni Valdes na ang naturang pag-atake sa loob ng Russia ay lalong magpapalaki ng digmaan sa iba pang bansa ng NATO sa Europa na posibleng dalhin sa Asya dahil sa presensya ng Lider ng Ukraine sa Pilipinas sa ngalan ng paghingi ng tulong ni Zelenskyy kay PBBM.
Tungkol sa imbitasyon ni Zelenskyy sa Pilipinas na lumahok sa Summit for Peace sa Davos, Switzerland, sinabi ni Valdes na paano magiging Peace Summit kung hindi naman imbitado si Putin.
“Inimbitahan ang China, pero hindi pupunta dahil naniniwala sila na hindi ito tunay na summit ng kapayapaan kung wala si Putin,” giit ni Valdes.
Ipinunto ni Valdes na dapat ituon ng PBBM ang kanyang sarili sa mga problema ng bansa tulad ng giyera laban sa kahirapan, giyera sa pagtaas ng presyo sa halip na isangkot ang sarili sa Ukrainian War. Gayunpaman, ipinaliwanag ni Valdes na sumang-ayon ang KDP sa deklarasyon ni Pangulong Marcos na ang “Pilipinas ay kaibigan ng lahat (mga bansa) at walang kaaway.” #