Isang inisyatibong nilakipan ng agham at teknolohiya para sa seguridad sa pagkain ang naghatid ng kabuhayan sa isang komunidad sa Bukidnon.
Sa pangunguna ng mga mananaliksik ng Central Mindanao University (CMU), binigyang daan ng “Community-based Livelihood Improvement for Bukidnon” o mas kilala bilang Project CLImB, ang pagkakaroon ng mga oportunidad para sa mga mahihirap na komunidad. Ang proyekto ay nagbahagi ng kaalaman at teknolohiya sa komunidad na makatutulong sa kanilang hanapbuhay.
Ani ni Dr. Judith Intong, Dekana ng College of Agriculture sa CMU at lider ng Project CLImB, maibubuod ang layunin ng proyekto bilang “pagkain, pagkakakitaan, at pangkabuhayan.”
Ang Kiharong Women’s Association (KWA) ang pangunahing benepisyaryo ng proyekto. Binubuo ito ng 53 kababaihang magsasaka ng Barangay Kiharong, isa sa mga pinakamahirap na barangay sa Bukidnon. Sa tulong ng Project CLimB, nabigyan ang mga miyembro ng KWA ng mga teknolohiyang pang-saka at ng mga pagsasanay sa pagsasaka, pag-aalaga ng kabute, ‘goat farming,’ ‘vermicomposting,’ at ‘organic vegetable farming.’
Dahil dito, ang proyekto ang naging daan para sa ilang pag-unlad sa komunidad. Kasama rito ang pagsisimula ng mga ‘vertical gardens’ o mga taniman na angkop sa maliliit na espasyo. Na-enganyo rin ang KWA na gumawa ng mga halamanan sa kanilang mga bakuran. Noong panahon ng pandemiya, lubos na nakatulong ang mga munting halamanan na ito bilang mapagkukunan ng pagkain at hanapbuhay. Sa tulong ng mga teknolohiya galing sa Project CLimB, umani ng humigit-kumulang 4,700 kilong gulay ang KWA.
Base sa pagsusuri sa mga ginawa ng Project CLimB, kapansin-pansin ang pagtaas ng kita ng sambahayang miyembro ng KWA. Noong nagsimula ang proyekto noong 2019, ang kanilang buwanang kita ay P6,500 lamang. Dahil sa Project CLimB, tumaas ang kita ng mga miyembro sa P8,500 noong 2020, at umabot ng P11,200 noong 2021.
Ayon kay Dr. Intong, ang tagumpay ng Project CLimB ay maaaring maging patunay na isang susi ang agham at teknolohiya sa pag-unlad ng mga komunidad sa bansa. (Karl Vincent S. Mendez, DOST-PCAARRD S&T Media Services)