Mahigit 9,500 benepisyaryo ng National Housing Authority (NHA) ang nakinabang sa Livelihood and Affordability Enhancement Program (LAEP) sa unang bahagi ng 2024.
Layunin ng NHA LAEP na maghatid ng iba’t ibang uri ng pagsasanay sa mga benepisyaryo upang makapagbigay ng malawak na oportunidad sa kabuhayan sa loob at labas ng kanilang resettlement site, at masiguro ang pag-unlad ng lahat na komunidad sa mga proyektong pabahay.
Sa unang bahagi pa lamang ng 2024, umabot na sa 9,553 na mga benepisyaryo sa buong bansa ang nakilahok sa mga skills training at learning sessions ng LAEP. Kabilang sa mga ginawang aktibidad ang paggawa ng cleaning materials, training on construction work, food processing, urban gardening, basic cosmetology, handicrafts making, baking, automotive work, at mga usaping patungkol sa business management, entrepreneurship, at financial literacy.
Sa pagtataguyod ng LAEP, masusing nakikipag-ugnayan ang NHA Community Support Services Department (CSSD) at CSS units ng regional offices sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga lokal na pamahalaan sa bansa. Katuwang ang mga kaugnay na ahensya, dumaan sa mga konsultasyon ang programa upang matukoy ang mga angkop na pagsasanay para sa mga benepisyaryo.
Alinsunod sa mga layunin ng Build Better More (BBM) Program, ang ahensya, sa ilalim ng pamumuno ni NHA General Manager Joeben Tai, ay nakatuon din sa pagtulong na mapaunlad ang kabuhayan ng mga benepisyaryo at ang kanilang mga komunidad. Sa mga susunod na bahagi ng taon, mahigit 43,718 benepisyaryong pamilya pa ang nakatakdang matulungan ng LAEP.
Samantala, sa pamamagitan ng Sustainable Livelihood Program (SLP) at Enhance Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP) ng DSWD, kamakailan lamang ay namahagi ang NHA LAEP ng kabuuang P450,000 tulong-pinansiyal sa Mt. Terrace Village Homeowners’ Association (MTVHOA) sa Davao City. Ginamit ang seed capital fund sa pagpapatayo ng HOA’s general merchandise store na may tables and chairs rental.
Dagdag pa dito, 50 benepisyaryo mula sa Pandi, Bulacan ang naturuan ng agronomic crop production na pinangasiwaan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).#