Upang protektahan ang mga kabundukan ng Mindanao, isang grupo ng mga mananaliksik at siyentista ang nagsiyasat upang itala ang lokal na saribuhay sa kagubatan. Pinangunahan nina Dr. Victor Amoroso at Dr. Fulgent Coritico ang pananaliksik, katuwang ang iba pang mga indibidwal mula sa Central Mindanao University, University of the Philippines Los Baños, Davao Oriental State University, at National Museum of the Philippines. Layunin ng proyekto na maglatag ng mga inisyatibo at magmungkahi ng mga polisiya para sa tuloy-tuloy na pangangalaga ng mga kabundukan sa Mindanao.
Kabilang sa nasabing proyekto ang 4 na kabundukan na sumusunod: Mt. Hamiguitan Range, Mt. Pantaron Range, Mt. Apo Range, at Mt. Tago Range. Naitala sa pananaliksik na mayroong 2,399 uri o ‘species’ ng halaman at 1,803 species ng hayop na natagpuan sa nasabing apat na kabundukan. Ang 601 species sa mga ito ay makikita lamang sa Mindanao at sa Pilipinas. Binigyang daan din ng proyekto ang pagka-diskubre ng 8 species ng halaman at 3 species ng hayop na karamihan ay sa Mindanao lamang matatagpuan.
Ipinahayag ni Dr. Coritico sa isang pagtitipon ang higit na pangangailangan ng proteksyon ng mga kabundukan sa bansa. “There is a real need for us to protect and conserve these species because once these species are lost, they’re gone forever; not only in Mindanao, not only in the Philippines, but worldwide,” ani ni Dr. Coritico.
Paliwanag din ni Dr. Coritico na ang kabundukan sa Mindanao ay nalalagay sa pagkawasak dahil sa mga mapang-abusong aktibidad. Nariyan ang patuloy na pagkawala ng gubat kapalit ng mga lupang sakahan, mga imprastraktura, kabahayan, pagmimina, pagtotroso, sobra-sobrang pagkonsumo, at pag-usbong ng mga halaman at hayop na sumisira sa saribuhay.
Ang Mt. Pantaron at Mt. Tago ay hindi pa naitatala bilang protektadong lugar kaya’t mas bukas ito sa pang-aabuso mula sa gawain ng tao.
Dahil sa resulta ng inisyatibong ito, nabigyan diin ng grupo nina Dr. Coritico ang kahalagahan ng apat na kabundukan. Ayon sa mga mananaliksik, ito ay maaaring maging basehan upang magkaroon ng mga polisiya na mas magpapatibay ng proteksyon para sa mga ito.
Isa sa mga naging tagumpay ng proyekto ay ang pagkakakilanlan ng Mt. Pantaron bilang local conservation area (LCA) ng probinsya ng Bukidnon. Ang polisiyang ito mula sa lokal na pamahalaan ng Bukidnon ay karagdagang proteksyon para sa Mt. Pantaron at mga mangangalaga nito.
Kasama rin sa mga naging tagumpay ng proyekto ang pagkakatatag ng 20 mananaliksik bilang wildlife enforcement officers (WEO) ng Department of Environment and Natural Resources, pagpapayabong ng mga ecotourism sa lugar, at pagtatayo ng mga punlaan ng mga halaman na mahalaga para sa saribuhay ng mga kabundukan. (Karl Vincent S. Mendez, DOST-PCAARRD S&T Media Services)#