Pinangunahan kamakailan lang ni National Housing Authority (NHA) General Manager Joeben Tai ang groundbreaking ceremony para sa bagong proyekto ng Ahensya na Sikat Talisayan Housing Project sa Brgy. Talisayan, Zamboanga City.
Ang proyektong pabahay na ito ay binubuo ng tig-dalawang palapag na row-houses na may silid para sa pagtulog, hapag kainan at salas, kusina, at banyo. Magiging bagong tahanan ng 309 kwalipikadong pamilya ang proyekto sa ilalim ng programang pabahay para sa mga informal settler families (ISFs) na apektado ng mga proyektong imprastrakura ng pamahalaan, at nakatira sa mapapanganib at madalas tamaan ng kalamidad na mga lugar sa lungsod.
Bilang suporta sa adhikain ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ng isang Bagong Pilipinas, pinalakas ng NHA ang mga programang pabahay nito upang makapagkaloob ng tulong-pabahay sa mga kapos-palad at mahihirap na pamilya katuwang ang mga programang pangkabuhayan at iba pang tulong para sa ikauunlad ng kanilang mga bagong komunidad.
Bilang pagtupad sa misyon ni Pangulong Marcos, Jr., nangako si NHA GM Tai sa mga Zamboangueño na mas gaganda pa ang kanilang pamumuhay sa pamamagitan ng mga proyekto ng ahensya sa lungsod.
“Pagta-trabahuhan po natin ‘yan with Zamboanga City LGU [local government unit], with Mayor Dalipe, para mai-relocate po ang bawat pamilya at mailagay na po kayo sa mas ligtas na lugar,” ani NHA GM Tai.
Kamakailan lamang, kasama ni PBBM si NHA GM Tai sa pagkakaloob ng pabahay sa 216 na mga pabahay sa Bataan. Sa kaniyang mensahe, ipinahayag ni Pangulong Marcos, Jr. ang kanyang simpatiya para sa pinagdadaanang hirap ng mga kababayan nating naninirahan sa mapapanganib na lugar habang binigyang-diin naman ang halaga ng NHA sa pag-angat ng antas ng kanilang pamumuhay. “Sa loob ng maraming taon, humarap kayo sa peligrong dala ng pagtira sa mapapanganib na lugar. Kaya narito tayo upang bigyan ng lunas ang kanilang suliranin. Kayo ngayon ay maninirahan sa sariling bahay na ligtas, de-kalidad, at komportable,” sabi ni PBBM.
Nakiisa sa nasabing okasyon sina NHA Regional Manager Engr. Al-Khwarizmi U. Indanan, Zamboanga City Officer-in-Charge Atty. John Louie G. Rebollos, butihing maybahay ni NHA GM Tai at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Consultant Katrina Reiko C. Tai, Mayor John Dalipe at iba pang mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan.#