Upang mas matulungan ang mga magsasaka sa Ilocos, inilunsad ng Department of Agriculture-Regional Field Office 1 (DA-RFO 1) ang isang inisyatibong pinaigting ng masusing pananaliksik at partisipasyon ng komunidad. Ito ay tinatawag na Community-based Participatory Action Research (CPAR) na tumulong sa pag-unlad ng mga magsasaka sa Dingras at Paoay, Ilocos Norte.
Layon ng CPAR na magtatag ng epektibo at mabisang paraan ng pagtanggap ng mga teknolohiya para sa mga kababayang nasa laylayan ng lipunan. Nais nitong mapabuti ang lagay ng isang komunidad sa pamamagitan ng mga teknolohiya at kaalaman na makatutulong upang mapaunlad ang produksyon at proseso sa pagsasaka. Natatangi ang ganitong uri ng inisyatibo dahil ang bawat parte ng programa ay masusing inaangkop sa pangangailangan ng isang partikular na komunidad.
Isa sa mga bahagi ng proyekto ang pagtatag ng mga ‘model farms’ o sakahan kung saan ipinatutupad ang mga teknolohiya at kaalaman sa pagsasaka. Ang mga model farms sa proyekto ay gumamit ng ‘rice-rice-mungbean’ at ‘rice-white corn farming systems.’ Kalakip sa mga sakahang ito ang mga kalidad na hybrid na pananim, ‘straight-row establishment method,’ paggamit ng Rice Crop Manager, at paggamit ng sapat at balanseng pestisidyo.
Base sa resulta, nakitang napaigi ang produksyon ng mga sakahan sa tulong ng mga teknolohiya mula sa proyekto. Ang mga sakahan na gumamit ng rice-rice-mungbean system ay umani ng 4.55 ‘tons per hectare’ (t/ha) sa unang ani. Ito ay mas mataas ng 12% kung ihahambing sa pamantayan. Sa ikalawang ani, nagtala naman ito ng 4.39 t/ha, 30% na mas mataas kaysa sa pamantayan. Gayundin, kaparehong umunlad ang produksyon sa rice-white corn farming system model farms.
Kasunod nito, gumanda ang taunang kita ng mga magsasaka. Sa rice-rice-mungbean farming system, ito ay nagtala ng kitang humigit-kumulang P60,000.00 kada hektarya. Ito ay umaangat kung ikukumpara sa pamantayan na P30,000.00 kada hektarya.
Ayon kay Ms. Reinamae G. Banquirig, isa sa mga nanguna sa proyekto, mahalaga ring mabigyan ng kapangyarihan at laya ang mga magsasaka sa kanilang produksyon. “Kapag pinagsama-sama ang apat na ‘factors —‘improved production technologies,’ ‘integration of production and marketing services,’ ‘social networking and linkage,’ at ‘complemented with building capacities of farmers,’ and we put them into action within the community, ay magiging sustainable yung ating community-based farm enterprise,” ani ni Ms. Banquirig.#