Home Agriculture Kooperatiba sa Cavite umunlad mula sa mga suportang serbisyo ng DAR

Kooperatiba sa Cavite umunlad mula sa mga suportang serbisyo ng DAR

0
90
Ipinagmamalaki ni DAR Provincial Agrarian Reform Program Officer James Arthur Dubongco kasama si Joselito Tibayan, general manager ng PARC, ang ani ng cantaloupe ng kooperatiba sa loob ng greenhouse na ibinigay ng DAR.

Nakatulong ang pinagsamang pagkakaloob ng mga suportang serbisyo at pasilidad ng imprastraktura mula sa iba’t ibang institusyon ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of Agrarian Reform (DAR), sa pag-angat ng buhay ng mga magsasaka ng palay at gulay dito.

Mga magsasaka ng PARC na may mga tauhan ng DAR.

Ayon kay DAR Provincial Agrarian Reform Program Officer James Arthur Dubongco na ang pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ay naging instrumento sa pagpapaabot ng tulong sa 351 miyembro ng Palangue Agrarian Reform Cooperative (PARC).

Ang PARC, isang kooperatiba na tinulungan ng DAR, ay itinatag noong Hulyo 5, 1995, na may paunang kapital na P21,100 mula sa 34 na miyembrong bumuo nito na mga agrarian reform beneficiaries (ARBs).

Ibinida ni PARPO Dubongco na mula nang itatag ang PARC, ang DAR ay nagbibigay ng iba’t ibang suportang serbisyo gaya ng mga makina, kagamitan, farm-to-market roads, irigasyon, pautang, at iba’t ibang pagsasanay.

Kabilang sa pinakahuling proyektong ipinagkaloob ng DAR sa PARC ay isang 200-sqm. vegetable greenhouse na may solar-powered drip irrigation at fertigation system. Ang P1 milyong greenhouse ay ibinigay sa ilalim ng proyektong Sustainable and Resilient Agrarian Reform Communities (SURE ARCs) at naipagkaloob sa kooperatiba noong nakaraang taon.

“Ang pagsasaka sa ilalim ng mga kondisyon ng greenhouse ay tumutulong sa mga magsasaka na mapanatili ang kanilang produksyon sa buong taon at maprotektahan ang kanilang mga pananim mula sa masamang kondisyon ng klima at mula sa mga insekto at sakit,” ani Dubongco.

“Ang mga miyembrong magsasaka ay nakinabang din sa pananalapi, sa pamamagitan ng mga dibidendo o interes sa kanilang share capital, habang sila ay namamahala at nagpapatakbo ng proyekto,” dagdag ni Dubongco.

Ayon naman kay Joselito Tibayan, general manager ng PARC, sa pamamagitan ng greenhouse ay maaari silang magtanim at mag-ani ng mga prutas at gulay na wala sa panahon. Aniya, ang mga pananim na itinanim sa loob ng greenhouse ay mas malaki at mas makatas kaysa sa mga nakatanim sa labas ng greenhouse.

Ipinagmamalaki ni DAR Provincial Agrarian Reform Program Officer James Arthur Dubongco kasama si Joselito Tibayan, general manager ng PARC, ang ani ng cantaloupe ng kooperatiba sa loob ng greenhouse na ibinigay ng DAR.

“Itong mga melon na inaani namin ngayon ay itinanim sa loob ng greenhouse. Kikita kami ng P40,000 kada ani. Noong nakaraang taon, P8,000 lang ang naani namin sa bawat pag-ani ng mga melon na itinanim nang walang greenhouse,” ani Tibayan.

Ang PARC ay kumikita rin sa vermicomposting at egg-laying na kanilang natutunan ng husto sa pagsasanay na ibinigay ng DAR katuwang ang Farm Business School (FBS) program ng Department of Agriculture (DA)-Agricultural Training Institute.

Sinabi ni Tibayan na ang FBS ay tumulong sa pagpapaunlad ng mga magsasaka ng kanilang mga kasanayan sa pagnenegosyo, nagturo sa kanila kung paano pinakamahusay na magkaroon ng benta, at bumuo ng kanilang mga produktong pang-agrikultura.

“Mula sa mga pagsasanay sa organikong pagsasaka mula sa DAR, natutunan namin kung paano gumawa ng organikong pataba sa pamamagitan ng composting. Natuto din kaming mamahala sa negosyo sa mga itlog ng manok at araw-araw kaming kumikita dito. Ang DAR ay nagpatayo sa amin ng isang chicken-laying house para sa negosyong ito,” ani Tibayan.

Sa ilalim ng Village Level Farm Enterprise Development ng DAR, nakatanggap ang PARC ng water refilling station na nagsusuplay sa komunidad ng ligtas na inuming tubig, at isang pasilidad sa pagproseso ng ube jam, cucumber juice na may pulot, at atcharang papaya.

Nagbigay din ang DAR ng learning site para sa mga miyembro ng PARC upang palakasin ang mga kakayahan at kasanayan ng mga ARB at hindi ARB.

Sa kasalukuyan, ang share capital ng PARC ay lumago mula sa unang P21,000 hanggang P2 milyon at ngayon ay nagsisilbi sa mga miyembro nito sa pamamagitan ng mga sumusunod: serbisyong pautan, buy and sell of agri-inputs, agri-service operation, botika ng barangay, rice-trading, water-refilling station, at solar power irrigation system.

Nagpahayag ng kanyang taos-pusong pasasalamat sa DAR at iba pang ahensya si Tibayan, sa ngalan ng kanilang asosasyon, na pagpapatupad ng repormang agraryo para sa lahat ng pagsisikap na tulungan sila.

“Salamat, DAR, DA, Department of Trade and Industry (DTI), local government unit (LGU) ng Naic, at iba pang partner agencies sa inyong walang-sawang pagsuporta sa asosasyon. Lubos kaming naantig sa inyong determinasyon na iangat ang katayuan ng aming buhay sa pamamagitan lamang ng pagbibigay sa amin ng iba’t ibang suportang serbisyo,” ani Tibayan.

Si Joselito Tibayan ay isang magsasakang-siyentipiko na nagtataguyod para sa kalusugan at kapakanan ng mga magsasaka sa pamamagitan ng paggamit ng mga teknolohiyang maka-kalikasan, pagpapanatili at katatagan ng ekolohika, at kumita ng tama para sa pamilya.#

NO COMMENTS