Pinangunahan ni National Housing Authority (NHA) General Manager Joeben A. Tai ang inspeksyon ng 3 proyektong pabahay sa Rehiyon 12 noong Pebrero 24, 2024 bilang parte ng mas pinalakas na programang pabahay ng ahensya para sa mga Pilipino.
Unang binista ni GM Tai ang Banga Resettlement Project sa Barangay Benitez, Banga, South Cotabato at Koronadal Cityville Project Phase I sa Barangay New Pangasinan, Koronadal, South Cotabato. Isang proyekto ng NHA sa ilalim ng Resettlement Assistance Program nito para sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) para sa informal settler families (ISFs) na naninirahan sa mapanganib na mga lugar gaya ng Bolok Creek.
Ang Koronadal Cityville Project Phase I, na naisa-pinal sa pagitan ng LGU-Koronadal noong April 2021, ay binubuo ng 170 row-house type na mga yunit.
Samantala, binisita rin ni GM Tai ang Himaya Residences sa Barangay Lagao, General Santos City na parte ng Government Employees Housing Program (GEHP) ng ahensya. Kasama sa proyektong pabahay na ito ang land acquisition, land development, at konstruksyon ng nasa 349 na kabahayan kung saan 200 ay 2-storey duplex type na yunit at 149 loft row-housing units.
Makatutulong ang proyektong ito para sa mga kawani ng gobyerno kabilang ang uniformed personnels na nangangailangan ng maayos at abot-kayang pabahay sa rehiyon.
Maliban dito, pinangunahan kamakailan lang ni GM Tai ang pamamahagi ng P590,000 na tulong pinansyal sa 109 na pamilya na naapektuhan ng bagyong Paeng mula sa T’Boli, South Cotabato.
Ang mga benepisyaryo sa isinagawang pamamahagi ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ay mula sa Barangay Lacunun; Barangay Datal Dlanag; at Barangay Tudok.
Kabilang sa mga dumalo sa mga aktibidad sina NHA Region 12 Manager Zenaida Cabiles; T’boli Mayor Hon. Keo Dayle T. Tuan; at T’boli Vice Mayor Ronie L. Dela Pena.
Samantala, nagpamahagi din ang NHA ng P2.980 milyong EHAP sa mga pamilyang biktima ng sunog, sanhi ng pagkawala ng kanilang tahanan, mula sa siyudad ng Las Piñas at Parañaque noong Pebrero 22-23, 2024. 86 na Parañaqueno at 63 Las Piñerong pamilya ang nakatanggap ng tig-P20,000 para makatulong sa pagpapatayo ng kanilang mga tahanan.#