Buo ang suporta ng National Housing Authority (NHA) sa Bagong Pilipinas ng administrasyong Marcos Jr. sa pamamagitan ng sunod-sunod na pagpapatupad ng mga programang pabahay at emergency housing assistance para sa unang kwarter ng 2024.
Bilang pagtalima sa panawagan ni Pangulo Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na paigtingin ang serbisyo publiko, nakatakdang pangunahan ni NHA General Manager Joeben Tai ang isang series of events ng ahensya, simula sa pamamahagi ng tulong pinansyal para sa mga biktima ng Bagyong Egay sa Negros Occidental mula Pebrero 13-16, gayundin sa mga pamilyang taga-Antique at Aklan sa darating na ika-17 ng buwan.
Sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP), 482 pamilyang taga-Bisaya ang nakatakdang tumanggap ng tulong pinansyal mula sa ahensya ngayong Pebrero upang matulungan silang makabangon matapos ang kalamidad na tumama sa kanilang mga komunidad.
Bukod sa mga petsa ng pamamahagi ng EHAP sa Visayas, ang NHA West Sector Office ay nakatakda ring magsagawa ng distribusyon sa huling linggo ng Pebrero.
Makakatanggap ang 266 na pamilya ng tig-P20,000, habang 91 benepisyaryo naman mula sa Mandaluyong ang mabibiyayaan ng P10,000. Ang pinabilis na pamamahagi ng ayuda ay ginagawa sa ilalim ng direktiba ng Pangulo na unahin ang kalidad na serbisyo para sa mga mamamayang Pilipino.
Samantala, nakatakda ring lumahok ang NHA sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa Siquijor sa Pebrero 17-18; sa Sultan Kudarat sa Pebrero 24-25; Oriental Mindoro sa Marso 9-10; at Lungsod ng Butuan sa Marso 15-16. Ang NHA ay nakatakda magsagawa ng ceremonial turnover ng mga housing unit para sa limang (5) benepisyaryo sa Sultan Kudarat bilang bahagi ng BPSF.
Ang BPSF ay kasalukuyang pinakamalaking service caravan sa bansa, at tahanan ng mga pangunahing programa ng gobyerno tulad ng Kadiwa ng Pangulo, Passport on Wheels, mga serbisyong panlipunan, mga programa sa pabahay, at iba pa.
Kamakailan lang, nakiisa rin ang NHA sa Lab for All Caravan ni First Lady Louise Araneta-Marcos na ginanap sa San Fernando City, La Union. Bilang parte ng programa, nagtayo ang ahensya ng information booth upang ipaalam ang mga programang pabahay ng gobyerno. Maliban dito, namahagi ng 5 alokasyon ng pabahay ang NHA para sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Ang caravan ay dinaluhan nina Unang Ginang Liza Marcos, La Union Vice Governor Maria Eduardo Ortega at NHA Region I Acting Regional Manager Engr. Jefferson F. Ganado bilang kinatawan ni NHA GM Tai.
Ang National Housing Authority ay katuwang ng Lab for All Caravan mula pa noong Oktubre 2023.#