Namahagi ng P1M tulong pinansyal ang National Housing Authority (NHA) sa 110 Ilongong pamilya biktima ng Bagyong Egay noong ika 28 at 30 ng Enero 2024.
Bawat pamilya ay nakatanggap ng P10,000 mula sa Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ng NHA upang makatulong sa pagpapaayos ng kanilang mga tahanan mula sa pinsala ng bagyo.
Bilang kinatawan ni NHA General Manager Joeben Tai, pinangunahan ni NHA Region VI Manager Engr. Hermes Jude D. Juntilo, kasama ang lokal na pamahalaan ng Iloilo, ang magkakasunod na pamimigay ng distribusyon na ginanap sa bayan ng Pavia, Zarraga, Iloilo City, Tubungan at San Joaquin.
Noong Hulyo 27, 2023, tinamaan ng Bagyong Egay at Habagat ang Rehiyon VI, partikular na ang Lungsod ng Iloilo at mga karatig na probinsya nito tulad ng Guimaras, Aklan, Antique at Negros Occidental na naging dahilan ng malawakang pinsala sa mga tahanan, imprastraktura at agrikultura.
Bilang tugon, ang NHA ay nagsagawa ng mga hakbang upang maipatupad ang Emergency Housing Assistance Program (EHAP) sa mga nasalantang komunidad. Isa sa benepisyaryo si Melissa Gustillo na nagpaabot ng pasasalamat sa NHA para sa tulong pinansyal na makatutulong sa pag-papagawa ng kanilang tahanan. “Ang natanggap ko na pera mula sa NHA ay plano kong ipagawa ng aming dingding sapagkat kurtina lang ang nagsisilbing dibisyon ng aming bahay,” wika ni Gustillo.
Nakatakda rin ang distribusyon ng EHAP sa probinsya ng Antique, Aklan, at Negros Occidental. Ang EHAP ay naglalayong makapagbigay ng agarang tulong pinansyal sa mga benepisyaryong lubhang naapektuhan ng mga kalamidad upang makatulong sa bagong simula.#