Katuwang ang National Housing Authority (NHA), sa ilalim ng liderato ni General Manager Joeben Tai, sa implementasyon ng “Inter-Agency Council for the Pasig River Urban Development” (IAC-PRUD) na nilikha at nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ilalim ng Executive Order 35.
Kamakailan lang, pinangunahan nina Pangulong Marcos, Jr. at Unang Ginang Louise Araneta-Marcos kasama si Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Rizalino Acuzar, NHA General Manager Joeben Tai, at ang iba pang pinuno ng mga kasaping ahensya, ang pagbubukas ng showcase area ng Pasig Bigyan Buhay Muli (PBBM) program sa MacArthur Bridge at Jones Bridge sa Maynila.
Sa kanyang mensahe sa paglulunsad, sinabi ni Pangulong Marcos, Jr. na ang Pasig Bigyan Buhay Muli, isang proyektong nasa ilalim ng gabay ng Unang Ginang, ay inaasahang bubuhay sa Ilog Pasig upang makapagbigay benepisyo para sa mga mamamayan. Kasama na rito ang konstruksyon ng ligtas na walkways, bikeways, at mga park para sa mga komunidad sa paligid. Inaasahan din ang pagtatayo ng malalagong komersyal na establisyimento sa kahabaan nitong 25 kilometro.
Bagaman ang paglikha ng inter-agency council ay nakatuon sa malawakang rehabilitasyon ng Ilog Pasig, kasama rin sa implementasyon nito ang ligtas na relokasyon para sa libo-libong pamilyang naninirahan sa kahabaan nito. Layon ng NHA na magtayo ng mahigit sampung libong pabahay para sa mga pamilyang nakatira sa gilid ng Ilog Pasig. Bukod pa rito, napili ang ahensya bilang secretariat ng IAC- PRUD.
Ang mga informal settler families (ISFs) na naninirahan sa tabi ng ilog ay bibigyan din ng prayoridad sa ilalim ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing (4PH) program ng administrasyon ayon sa Pasig Bigyang Buhay Muli (PBBM) master plan.
Samantala, sa ilalim ng patnubay ng DHSUD, nakatakdang makipagtulungan ang NHA sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA); Department of Public Works and Highways (DPWH); Department of Environment and Natural Resources (DENR); Department of Interior and Local Government (DILG); Department of Tourism (DoT); Department of Transportation (DOTr); Department of Finance (DOF); Department of Budget and Management (DBM); National Historical Commission of the Philippines (NHCP); National Commission for the Culture and the Arts (NCCA); Philippine Ports Authority (PPA); Philippine Coast Guard (PCG); Laguna Lake Development Authority (LLDA); at Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) para sa ikakatagumpay na implementasyon ng proyekto.#