Tinanggap na ng isang mananaya ng Lotto mula sa San Jose Del Monte, Bulacan ang premyong 43,882,361.60 sa mismong tanggapan ng PCSO Main isang araw matapos inanunsyo ang jackpot numbers ng Lotto 6/42 noong Disyembre 28, 2023.
Nasungkit ng 47-anyos na maybahay ang mga panalong numero, 18-34-01-11-28-04, na kinuha mula sa mga petsa ng kapanganakan ng kanyang pamilya at dalawa pang espesyal na numero, 28 at 34 na kumatawan umano sa kotse ang numerong ’28’ at bahay naman ang ’34’.
Ayon sa mananaya, ilalaan nya ang napanalunan sa negosyo, bagong bahay, at itatabi sa bangko para sa kanyang dalawang anak ang matitira.
Sa ilalim ng RA 1169, ang mga mananalo ay may isang (1) taon mula sa petsa ng draw para kunin ang kanilang premyo sa PCSO Main Office na matatagpuan sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City. Ang mga premyo na higit sa 10,000 ay dapat na eksklusibong kunin sa PCSO Main Office. Sa pag-claim ng mga premyo sa lotto, ang mananalo ay kailangang pumirma sa likod ng nanalong ticket, magbigay ng dalawang (2) valid government ID para sa verification, at sumunod sa 20% tax sa mga premyong lampas sa 10,000.00 sa ilalim ng TRAIN Law.
Pinaalalahanan naman ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Melquiades Robles ang lahat na ang E-Lotto ay magagamit na ngayon ng publiko, isang para na makapagbibigay ng maginhawa at ligtas na paraan para makilahok ang mga mahilig sa lotto mula sa kanilang mga tahanan o anumang lugar. Ang digital platform na ito ay umaayon sa misyon ng PCSO na magpabago at umangkop sa nagbabagong pangangailangan ng publiko sa paglalaro.
Samantala, umani naman ng pagdududa mula sa mga netizens tungkol sa inilabas na larawan ng PCSO dahil sa edited photo ng lucky winner ng ₱43M jackpot prize, na inamin naman ni Robles .
Nagpaliwanag din sa Robles sa isinagawang hearing ng Senate Committee on Ways and Means para proteksyonan umano ang pagkakakilanlan ng lucky winner. Nilinaw rin niya na totoong tao ang nasa larawan.
“We have to protect the identity of the winner. Mayroon pong nagreklamo sa amin one time, we covered the face, eh ‘yong damit naman po ay nakilala. Nagreklamo siya, sana naman po ‘wag naman ipakita po ‘yong damit.”
“So ‘yan po ang reason niyan and I agree it’s a very poor editing pero the objective is to conceal the clothing na maidentify sa kanya. If there’s something we apologize for, it’s the poor editing, but it has served its purpose of concealing the identity. We’re sorry we’re not very good at editing the clothes,” paliwanag ni GM Robles.
Handa rin daw magpakita ng katibayan ang PCSO na totoong may nanalo sa mga nagdaang lotto draw.#