Home Feature PBBM patuloy ang suporta sa mga proyektong pabahay ng NHA

PBBM patuloy ang suporta sa mga proyektong pabahay ng NHA

0
18

Idineklara ni Pangulo Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang kanyang patuloy na suporta sa mga proyektong pabahay ng National Housing Authority (NHA) sa ginanap na paggawad ng pabahay para sa 360 benepisyaryo at pag-groundbreak ng NHA housing projects Ciudad Kaunlaran Brgy. Molino II, Bacoor City, Cavite noong ika-12 ng Enero, 2024.

“Nitong 2023, umabot sa mahigit na walumpung libong pabahay ang naitayo ng NHA sa buong bansa. Sa kasalukuyan, ang NHA ay patuloy na nagsisikap na makapaghandog ng pabahay sa mas maraming Pilipino pa na nangangaailangan ng kanilang titirahan. Tuloy-tuloy po ang NHA sa pagbuo at pagtutupad ng programang pabahay para sa pamilyang Pilipino. Sa tulong at pakikipag-ugnayan ng DHSUD (Department of Human Settlements and Urban Development) sa pangunguna ni Secretary Jerry Acuzar ay tuloy-tuloy [ang programang pabahay] at hindi namin titigilan,” ani Pangulong Marcos Jr.

Papalapit sa ika-49 na taon ng pagkakaloob ng abot-kaya, de-kalidad, at ligtas na mga tahanan para sa mga pamilyang Pilipino matapos lagdaan ng yumaong Pangulong Ferdinand E. Marcos ang Presidential Decree No. 757 na siyang nagtatag sa NHA, ipinagmamalaki ngayon ng ahensya ang kontribusyon nito sa pangarap ni Pangulong Marcos, Jr., na makamit ang isang Bagong Pilipinas.

Upang higit na makatulong sa pag-unlad ng bansa, inaasahan ng NHA ang pagpapalawig ng NHA Charter at nagpapasalamat ito sa walang-sawang suporta ng mga kinatawan ng Pilipinas at mga senador upang tuluyang pahabain ang buhay ng ahensya.

“Hangarin po ng inyong pamahalaan na panatilihing may sapat na pondo upang mapunan ang pangangailangang pabahay ng nakakarami,” dagdag ni President Marcos,Jr.

Sa ilalim ng mahusay na pamumuno ni NHA GM Tai at gabay ng kanyang Build Better More Housing Program, nangangako ang ahensya na patuloy nitong pauunlarin ang mga programa, serbisyo, at pakikipagtulungan nito sa mga publiko at pribadong sektor upang makapagpatayo ng mas maayos at mas marami pang tahanan para sa mga Pilipinong nangangailangan sa mga darating na taon.#

NO COMMENTS