Maraming paraaan upang simulan ang masaganang bagong taon. Pero para kay Jojiena Silva, sinimulan niya ang taong 2024 sa pagtupad ng kanyang pangarap.
Sa loob ng 12 taon, nagsumikap si Silva upang maisakatuparan ang kanyang pangarap na magkaroon ng bahay. Ngayong Enero 2, 2024 nga ay kinumpleto at binuo na niya ang bayad sa kanyang bahay sa Palo Housing Project, Baras sa Palo, Leyte.
Ang pagiging isang benepisyaryo ng programang pabahay ng National Housing Authority (NHA) sa ilalim ng pamunuan ni General Manager Joeben Tai, ay isa sa kanyang pinaka hindi malilimutang mga sandali sa kanyang buhay. Ito ang nagbunsod sa kanya na pagsumikapang bayaran ang buwanang amortisasyon at bayaran pa ang balanse tuwing mayroon siyang sobrang pera.
Sa bawat pisong naipon niya sa pamamagitan ng mahigpit na pagbabadyet sa bahay at masinop na pagtitipid, nalampasan niya ang mga hamon ng pagkakaroon ng bahay at nagbunga ang kanyang pagpupursige. Dahil sa kanyang paniniwala at pagpapahalaga sa isang ligtas at komportableng tahanan para sa kanyang pamilya, hindi sumuko si Silva sa kanyang obligasyon sa NHA.
Isa si Silva sa libu-libong pamilya na nakinabang sa iba’t ibang programang pabahay ng NHA sa buong bansa. Ngayong 2024, hinihikayat ng NHA ang lahat ng benepisyaryo ng pabahay nito na bayaran ang kanilang amortisasyon sa bahay upang maiwasan ang malaking interes na dulot ng pagsasawalang bahala sa pagbabayad nito sa mahabang panahon. Maaaring bayaran ng mga awardee ang kanilang amortisasyon sa pamamagitan ng digital payment platforms gaya ng Maya app Philippines, Link.BizPortal o sa pinakamalapit na opisina ng NHA na sumasaklaw sa kanilang lugar. Ang pagmamay-ari ng bahay ay kayang-kayang makamit basta may determinasyon at kaakibat na aksyon.#