Sa pagtalima ng Presidential Proclamation 1414, s. 2007, ipagdiriwang ang 19thNational Biotechnology Week (NBW) sa Nobyembre 20 – 24, 2023 batay sa inilabas na Special Order 782 ni Senior Undersecretary Domingo F. Panganiban ng Kagawaran ng Agrikultura nitong ika-23 ng Hunyo 2023.
Ang taunang pagdiriwang ay inorganisa ng mga miyembro ng Inter-Agency Steering Committee (IASC) na binubuo ng mga pambansang ahensya ng pamahalaan tulad ng Kagawaran ng Agrikultura, Edukasyon, Kapaligiran at Likas na Yaman, Kalusugan, Panloob at Lokal na Pamahalaan, Kalakalan at Industriya, Agham at Teknolohiya, at Komisyon sa Mas Mataas na Edukasyon.
Ang Kagawaran ng Agrikultura, bilang Tagapangulo ng pagdiriwang ngayong taon, ay nagbibigay ng awtorisasyon sa DA Biotech Program Office (DA BPO) na mag-host at magsagawa ng ika-19 National Biotecknology Week. Dahil dito, ang DA BPO ang mangunguna, maghahanda, mag-uugnay, at magsagawa ng lahat ng aktibidad para sa makabuluhang pagdiriwang nito.
Nakasaad din sa Special Order na ang lahat ng mga gastos sa pagsasagawa at pagpapatupad ng mga aktibidad para sa kaganapan ay dapat singilin sa mga pondo ng DA Biotech Program sa ilalim ng Bureau of Agricultural Research, at sa iba pang magagamit na pondo alinsunod sa karaniwang mga tuntunin at regulasyon sa accounting at auditing.