Sa pagsisikap na masiguro ang pagkakaroon ng malinis na supply ng tubig sa mga komunidad, nakibahagi na sa isang technology transfer training para sa produksyon ng Iodine-rich Drinking Water, na kilala rin bilang “Tubig Talino,” ang Bilibinwang Multipurpose Cooperative (MPC) sa Brgy. Bilibinwang, Agoncillo, Batangas, noong nakaraang Marso 6 hanggang 7.
Bahagi ang aktibidad na ito ng Grants-in-Aid Community-based project ng Department of Science and Technology (DOST)-Batangas, kung saan sa pamamagitan ng proyektong ito ay mailipat ang kaalaman sa produksiyon ng naturang uri ng tubig sa kooperatiba at magamit sa bago nilang bubuksang negosyo.
Inaasahang makatutulong ito sa mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan para makontrol ang kaso ng iodine deficiency disorder (IDD) sa bansa.
Tinuruan ang kooperatiba kung paano ang proseso ng preparasyon ng premix at kung ano ang chemical analysis ng titration method para matukoy ang dami ng iodine na kailangan para sa isang iodine premix. Tinalakay rin ang dami ng premix na kinakailangan para sa paghahanda ng inuming tubig na mayaman sa iodine
Nagsilbing tagapagsalita sina John Lester G. Ramirez, Czarlyn Mendoza, at Filipiniana Baes-Bragas mula sa DOST Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI). Nagkaroon ng licensing agreement sa pagitan ng DOST-FNRI at Bilibinwang MPC para sa pormal na pag-adopt at paggamit ng kooperatiba sa teknolohiyang Tubig Talino.
Ang Tubig Talino na dinevelop ng DOST-FNRI ay isang purified o kaya ay ordinaryong tubig na maaaring inumin o potable water na hinaluan ng Water Plus Iodine (I2) na maaaring inumin para mapataas ang iodine intake ng mga Pilipino na nagdudulot ng mas magandang kalusugan. Ayon sa DOST-FNRI, ang pinagsamang 5 mL na tubig at I2 ay makagagawa ng 20 litro ng Tubig Talino, kung saan makakamit ang 33% iodine na kinakailangan ng katawan bawat araw.
Kagaya ng ordinaryong tubig, ito ay walang anumang masamang lasa at maaaring iimbak nang hanggang anim na buwan at dalawang linggo.
Ayon sa DOST-FNRI, ang sapat na pag-inom ng iodine mula sa tubig ay nakatutulong na ma-absorb ang mga mahahalagang sustansiya sa katawan, mapabilis ang brain development ng mga bata, at maiwasan ang iodine deficiency sa matatanda. Ang thyroid gland ng katawan ay gumagamit rin umano ng iodine para sa produksyon ng mga thyroid hormone na tumutulong sa paglaki, nagsasaayos ng nasirang mga cell, at sumusuporta sa malusog na metabolismo ng katawan. Ayon rin sa pag-aaral ng DOST-FNRI, ang pagkonsumo ng Tubig Talino ay nakatutulong upang mapaunlad ang kakayahang akademiko ng mga mag-aaral.
Ngayong taon, nakatakdang magpasinaya at magsagawa ng forum tungkol sa Tubig Talino Technology para sa mga estudyante at punongguro sa naturang bayan kasama ang mga kalapit-bayan nito.
Ang nasabing forum ay magsisilbing daan upang mas lumawak ang kamalayan ng komunidad tungkol sa kahalagahan ng Tubig Talino sa pagresolba sa mga kaso ng IDD sa bansa. Hakbang rin ito para maipakilala ng kooperatiba ang kanilang pinakabagong produkto na Tubig Talino. (Impormasyon mula sa: https://region4a.dost.gov.ph/news/1517-bilibinwang-mpc-gets-ready-for-tubig-talino-production)#