Matagumpay na nakapagdebelop ng pakain o ‘feeds’ sa mga likas-yamang dagat ang Institute of Aquaculture ng University of the Philippines (IA-UPV) sa tulong ng Trading Room Incorporated, isang pribadong kumpanya. Ang nasabing pakain ay isang ‘eubiotic feed supplement’ na hango sa damong -dagat o ‘seaweed’ na nadelop ng mga siyentista mula sa IA-UPV. Ang paggamit nito ay nagresulta sa mas mabilis na paglaki at ‘feed conversion efficiency’ para sa tilapia, hipon, at bangus.
Ang ‘eubiotics’, na pangunahing sangkap na ginagamit sa pakain, ay sinasabi na makabubuti sa pisyolohikal na katangian ng organismo. Dalawa sa nakitang indeks na makatutukoy sa pagtagumpay at paglago ng negosyo sa pakain ay ang mabilis na paglaki ng isda at epektibong pagproseso ng kinakain ng isda sa paglaki nito o ‘feed conversion rate.’ Mas malaki ang kita kapag ang pakain ay mabilis na makapagpapataba sa mga isda.
Sa pamamagitan ng nabuong suplemento mula sa seaweed, nakitaan ng pagtaas sa ‘feed conversion efficiency’ mula 30 hanggang 50 porsyento. Tumaas din ang ‘growth performance’ ng mga isda gaya ng tilapia, hipon, at bangus mula 40 hanggang 60 porsyento.
Bukod dito, nakatulong ang suplemento sa paglaki ng mga isda pati na rin sa pag-‘activate’ ng heneng may kinalaman sa paglaki at pagtaas ng ‘stress tolerance’ ng mga isda. Malaking salik ang stress sa mabagal na paglaki ng mga inaalagaang isda. Ang pagpapakain ng suplemento ay makatutulong upang mas maging epektibo ang pagresponde ng mga isda sa stress.
Nakatulong din sa ‘gut health’ o ang magandang estado ng mga bituka ng mga inaalagaang tilapia, hipon, at bangus. Nakita ang pagtaas ng mga kapaki-pakinabang na ‘gut lactic acid bacteria’ kumpara sa ibang bacteria sa mga isdang napakain ng nasabing suplemento.
Sa kabuuan, iminumungkahi ng mga eskperto ng proyekto na magiging importante ang magiging papel ng suplemento sa pagpapahusay at pagiging mas produktibo ng mga alagaan ng isda sa bansa. Ang paggamit ng suplementong ito ay maaaring pataasin ang kita ng mga Pilipinong nais subukan ang industriya ng akwakultura sa bansa. (Fedelia Flor C. Mero, Shirley T. Gahon isinalin sa Filipino ni Jamsie Joy E. Perez)