Bilang hakbang sa pagpapalakas ng kolaborasyon ng mga National Government Agency (NGA) at Local Government Unit (LGU), nakiisa ang Department of Science and Technology (DOST)-Quezon sa programang, “TULAY SA PROGRESO: Bridging NG-LGU Partnership Towards a Healthy and Prosperous Province of Quezon,” noong nakaraang Marso 1 hanggang 3.
Layon ng programang ito ng Office of the Governor ng Lalawigan ng Quezon, sa pamumuno ni Gov. Angelina “Doktora Helen” Tan, na palakasin pa ang pagtutulungan at kolaborasyon ng mga NGA at LGU sa kanyang nasasakupan.
Bahagi ng programa ang pagpapakilala ng mga nakilahok na ahensiya at opisyal ng gobyerno, at paglalatag ng kani-kanilang mga plano, programa at proyekto. Kung saan isa sa mga dumalo ang DOST, na nirepresenta ni Provincial Director Maria Esperanza E. Jawili ng DOST-Quezon.
Dumalo sa aktibidad ang mga Alkalde mula sa District 1, 2, at 3, at mga kawani ng opisina ng Gobernador. Maliban sa DOST, kasama rin sa programa ang Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd), Department of Agriculture (DA), at marami pang iba.
Nagpaabot ng interes at pagnanais ang Provincial Admin (PA), Office of Provincial Agriculturist (OPA), at Provincial Assistance for Community and Sectoral Empowerment and Development Unit (PACSEDU) na magkaroon ng kolaborasyon kasama ang DOST-Calabarzon.
Maging ang ibang mga lokal na opisyal na sila Congressman Reynante Arrogancia, Mayor Angelica “Ate Gigi” Portes-Tatlonghari ng Pagbilao, Mayor Agustin Villaverde ng Lucban, Mayor Ralph Edward Lim ng San Andres, at iba pa ay nagkaroon rin ng diskusyon kasama si PD Jawili para sa mga posibleng partnership project sa kani-kanilang munisipalidad.
Binigyang-diin ng mga organizer ng naturang programa na sa pamamagitan ng programa, naisin nilang magkaroon na ng mas bukas at mabilis na komunikasyon sa pagitan ng mga NGA at LGU sa probinsya, na magbibigay-daan para sa mga produktibong pag-uugnayan para sa pagbuo at implementasyon ng mga proyekto sa hinaharap.
Nagtapos ang programa sa isang commitment signing at kabilang ang DOST sa mga LGU at NGA na pumirma bilang simbolo ng kanilang pagnanais na magkatulungan para sa pag-unlad ng pamayanan.#