Nakaisip ng isang out-of-the-box solution ang Department of Science and Technology (DOST) at mga Partner Agency nito para matugunan ang suliraning pangkalusugan ng mga komunidad sa Pilipinas, lalo na nasa mga liblib na lugar at mahirap maabot ng mga serbisyong medikal.
Outside the box ang ideya ng teknolohiyang ito na tinawag na RxBox, dahil gamit lamang ang isang telehealth device ay nakakapagsagawa na ng iba’t ibang medical test na hindi kinakailangang mag-operate ng maraming uri ng aparato.
Dinebelop ito ng UP Manila at UP Diliman, kung saan noong 2016 ay nag-deploy ng prototype nito sa 115 na Geographically-Isolated and Disadvantaged Areas o GIDAs dito sa Pilipinas. Doon napatunayang malaking tulong ito sa sektor ng kalusugan.
Dahil sa tagumpay ng naunang deployment, nabuo ang proyektong “Roll-out of 1000 RxBox Telehealth Devices in Selected Rural Health Centers in the Philippines” na layuning mamahagi ng 1,000 device sa mga piling rural health centers sa bansa. Ang DOST CALABARZON ang naatasan na maging Lead Implementing Agency sa nasabing proyekto.
Sa kasalukuyan, patuloy na isinusulong ang pag-deploy nito sa iba pang mga lugar sa Pilipinas upang mas mapabuti ang maternal at child health care, masiguro ang tamang pag-diagnose ng mga sakit, mapalakas ang pakikipag-ugnayan ng health workers sa mga espesyalista mula sa urban area, at maitaguyod ang modernisasyon ng mga serbisyong pangkalusugan tungo sa pagsasakatuparan ng Universal Healthcare Program.
Sa kabila ng mga dinaanang pagsubok habang nasa proseso ng implementasyon ng programa gaya ng pandemyang dulot ng COVID-19 at pagkakaroon ng depekto sa ilang unit ng RxBox device, matagumpay pa ring naresolba ang mga ito at naipagpatuloy ang proyekto. Nagkaroon ng mga alternatibong pamamaraan ang ahensiya para maipagpatuloy ang proyekto upang maka-adapt sa pandemya at makibahagi sa whole-of-government response laban sa COVID-19.
Ipinagamit sa Philippine General Hospital (PGH) ang ilang RxBox unit at inaprubahan ng DOST Executive Committee ang pag-repurpose sa RxBox project. Mula sa unang plano na magdeploy ng device sa rural health center, inilaan na ito sa piling healthcare facility sa bansa sa ilalim ng ni-repurpose na proyektong, “Roll-out of 1000 RxBox Telehealth Devices in Selected Healthcare Facilities in the Philippines.”
Nagdebelop naman ang Unibersidad ng Pilipinas (UP) ng training videos para sa pagsasagawa ng remote training, at nagkaroon rin ng remote onboarding para sa mga training team ng bawat rehiyon.
Umabot na sa 781 ang naideploy na RxBox sa buong bansa at 32 naman sa rehiyong CALABARZON batay sa pinakahuling tala noong Enero 2023.
Sa pagtatapos ng nasabing proyekto, ang DOST CALABARZON ay magsasagawa ng RxBox Summit na gaganapin sa Metrocentre Hotel and Convention Center, City of Tagbilaran, Bohol ngayong darating na Marso 1 hanggang 3.
Magsisilbing culminating activity ang naturang programa para sa 1000 RxBox project, kung saan pag-uusapan ang mga success stories, challenges, at experiences ng mga katuwang sa pag-implementa ng proyekto.
Daan rin ito upang matukoy kung ano pa ang mga maaaring ayusin at pagbutihin sa mga proyektong pangkalusugan na tulad nito, at kung ano pa ang maaring magawang proyekto gamit ang RxBox sa mga darating na panahon.#