Sa layong magkaroon ng mahalagang kontribusyon sa pagpapalawig ng mga epektibong polisiya at programa sa Research and Development (R&D) sa bansa, hinihikayat ng Department of Science and Technology (DOST)-CALABARZON ang mga Higher Education Institutions (HEIs), National Government Agencies (NGAs), at Private Non-Profit Institutions (NPIs) na makiisa sa isinasagawang Research and Development Survey ng ahensiya.
Sa pambungad na mensahe ni Regional Director Emelita P. Bagsit, hinikayat niya ang mga dumalong private at public HEIs, NPIs at maging ilang NGAs na dumalo sa “Orientation on the 2021-2022 Survey on Research and Development (R&D) Expenditures and Human Resources in Government Higher Education Institutions (HEIs) and Private Non-Profit Institutions (NPIs)” na mag-sumite ng mga datos na kinakailangan para rito.
Aniya mahalaga ang makakalap na datos at impormasyon mula sa survey na ito dahil ginagamit itong basehan ng mga mambabatas sa paglikha ng angkop at napapanahong mga polisiya at inisyatibo. Makakatulong rin ito upang matukoy kung anu-ano ang mga dapat maging prayoridad ng gobyerno sa larangan ng R&D.
Layon aniya ng ahensya na magkaroon ang rehiyong CALABARZON ng mas mataas na response rate sa survey kumpara sa mga nakalipas na mga taon simula noong 2018.
Ayon sa resulta ng mga nakalipas na survey, mayroong response rate ang rehiyong CALABARZON na 73% noong 2018 na katumbas ng ika-apat na rank o ranggo sa buong bansa; at parehong 62% naman noong 2019 at 2020 na kapwa nasa ika-11 ranggo.
Samantala, sa provincial level, ang Rizal ang may pinakamataas na response rate na umabot sa 100%, na sinundan ng Cavite na may 70%, Batangas na may 69%, Quezon na may 64%, at panghuli ang Laguna na may 55%.
Naging daan ang oryentasyon na isinagawa upang magkaroon ng malinaw na ugnayan ang DOST at mga respondent ng survey.
Ipinaliwanag ni Engr. Terencia B. Abarquez ng DOST Central Office ang Survey Rationale, at hinimok ang DOST-CALABARZON at lahat nang respondent mula sa iba’t ibang probinsiya ng rehiyon na sikaping lahat sila ay makapagsumite ng survey form. Hiniling niya ang kooperasyon ng mga ito upang maging bahagi ng tagumpay ng national R&D Survey.
Samantala, nanawagan rin si Assistant Regional Director for Technical Operations Francisco III R. Barquilla na magkaroon ng aktibong partisipasyon upang makapag-ambag tungo sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
Naging tagapagsalita sa oryentasyon si Anna Liza A. Predo at facilitator naman si Janice Irene F. Berris ng DOST-CALABARZON.#