Binigyan ng mga motorsiklo ang field personnel ng Department of Agrarian Reform (DAR), sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) project, upang marating nila maging ang malalayong lugar ng bansa para mapabilis ang pamamahagi ng indibidwal na electronic land titles (e-titles) sa mga agrarian reform beneficiaries (ARBs).
Sinabi ni DAR Secretary Conrado Estrella III na sinimulan na ang pagde-deliver ng unang batch ng 156 na motorsiklo – Honda-XR150Ls – sa mga sumusunod: DAR central office, 2; Cordillera Administrative Region, 25; Ilocos Region, 27; Cagayan Valley, 52; Central Luzon, 20; at Central Visayas, 30.
Ayon kay Estrella mahalagang papel ang gagampanan ng mga motorsiklo sa pagsasagawa ng field validation activities, lalo na sa mga lugar kung saan ang mga kalye ay hindi angkop para sa mga four-wheeled vehicles.
“Malaking pagbabago ang gagawin ng mga motor na ito sa ating pagsisikap na mapabilis ang paghahati-hati ng Collective Certificates of Land Ownership Award (CLOAs) bilang mga indibidwal na titulo ng lupa dahil may mga lugar, lalo na sa kanayunan, kung saan ang motorbike ang tanging angkop na paraan ng transportasyon,” ani Estrella.
Sinabi ni Estrella na ang suportang ito ay naaayon sa atas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pabilisin ang pamamahagi ng CLOA sa mga ARB.
Sinabi ni Engr. Joey Sumatra, DAR Assistant Secretary for Field Operations, na ang 156 na bagong dating na mga motorsiklo ay bahagi ng 820 units na binili ng Kagawaran sa kabuuang halaga na P123 milyon. Ang bawat motor ay nagkakahalaga ng P150,000.
Ang iba pang mga rehiyon na inaasahang makatatanggap ng kanilang bahagi ng mga motorsiklo sa lalong madaling panahon ay kinabibilangan ng CALABARZON,17; MIMAROPA, 22; Bicol Region, 60; Western Visayas, 108; Eastern Visayas, 123; Zamboanga Peninsula, 65; Northern Mindanao; 60; Davao Region, 59; Soccsksargen, 88; at Caraga, 62.