May kabuuang 158 agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa Barangay Minoyan, Murcia, Negros Occidental ang makatatanggap ng kabuuang 320 ektarya ng validated agricultural lands sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) Project.
Ang SPLIT Project ay ang paghahati-hati ng mga lupain at ang pagbibigay ng indibidwal na titulo ng lupa sa mga ARB na dati nang ginawaran ng mga lupa sa ilalim ng collective certificates of land ownership award (CCLOA).
Ang aktibidad na ito ay naaayon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Conrado Estrella III na palakasin ang karapatan sap ag-aari ng lupa ng mga ARBs sa buong bansa.
Ayon kay Imelda Lazalita, Municipal Agrarian Reform Program Officer, na ang mga lupain na na-validate ay ang dating pinamamahalaan ng G.V. at Sons Incorporated, na sakop ang CCLOA Numbers 7433 at 7750, na sumasaklaw sa 23.2658- at 297.6255-ektarya ng lupa, ayon sa pagkakabanggit, kung saan mag-iisyu ng indibidwal na titulo sa 39 at 119 na kwalipikadong ARB.
“Mapapabilis ng aktibidad ang pagbibigay ng mga indibidwal na titulo sa mga magsasaka, kung saan ang layunin nito ay mapagbuti ang seguridad sa lupa at patatagin ang mga karapatan sa ari-arian ng mga ARB na sumasakop sa mga CCLOA,” aniya.
Idinagdag pa ni Lazalita na nagkaroon din ng consultation meeting sa pagitan ng mga ARB at Field validation team para matiyak ang maayos na validation ng mga lupain.
“Sa hangad naming mapabilis na masubaybayan ang paghahati-hait ng mga parsela ng lupa at makapag-isyu ng mga indibidwal na titulo, tinitiyak namin na ang aktwal na pagpapatunay ng mga kaugnay na impormasyon na kinakailangan para sa muling pag-isyu ng mga titulo sa mga kapwa may-ari ng lupa ay tumpak,” aniya.