Tatlong (3) agrarian reform beneficiaries’ organizations (ARBOs) sa lalawigan ng Negros Occidental ang nakatanggap ng kabuuang Php1.08 milyon na halaga ng tulong pangkabuhayan mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) para mapalago ang kanilang ekonomiya.
Ang 3 ARBO ay tumanggap ng halagang Php360,000 bawat isa, Php200,000 dito ay ginamit sa pagbili ng mga kalabaw, kambing, kagamitan sa bukid, buto ng gulay, African nightcrawlers para sa vermi-composting production, 192 paitluging manok at layering mash. Habang ang natitirang Php160,000 bawat isa ay ginamit para pondohan ang pagsasagawa ng iba’t ibang pagsasanay pagn-teknolohiya.
Sinabi ni DAR Secretary Conrado Estrella III na seryoso ang pambansang pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Ferdinand R. Marcos, Jr. sa pagtingin para sa kapakanan ng mga magsasaka at inaasahang magbibigay ng karagdagang tulong ang DAR sa mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) at ARBOs.
Ang mga ARBO na nakatanggap ng livelihood assistance ay ang Bacong Gustilo Farmers Association (BGFA) sa Barangay Bacong,Bago City; ang Tagoc Agrarian Reform Cooperative (TARCO) sa Barangay Tagoc, Kabankalan City; at ang Duran Small Planters Association (DSPA) sa Barangay Baga-as, Hinigaran.
Si Ricardo A. Alpis, Tagoc Agrarian Reform Cooperative Chairman ay nagpahayag ng kanyang pasasalamat sa ngalan ng mga miyembro ng kanilang asosasyon at tiniyak sa DAR na kanilang aalagaan ang mga tulong pangkabuhayan na kanilang natanggap at ilalapat ang lahat ng kaalaman na kanilang natamo upang mapanatili ang programa.
“Kami ay lubos na nagpapasalamat sa DAR para sa suporta at pagsasanay na talagang kailangan namin para lumago ang aming samahan,” aniya.
Sinabi ni Arnulfo Figueroa, Provincial Agrarian Reform Program Officer II na ang proyekto ay pinondohan sa ilalim ng Sustainable Livelihood Support (SLS) Program sa ilalim ng Agrarian Reform Beneficiaries and Sustainability Program ng ahensya.
“Ang programang ito ay naglalayong palakasin ang mga kasanayan, kakayahan at mapagkukunan ng mga ARB, na makakatulong sa kanila na madagdagan ang kanilang kita at bumuo ng mga pagkakataon upang mapabuti ang kalidad ng kanilang buhay,” sabi ni Figueroa.#