Hiniling ni Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III sa Department of Budget and Management ang paglikha ng siyamnapu’t anim (96) na Agrarian Reform Program Officers I (ARPO I) at ang pag-upgrade ng tatlong daan apatnapu’t apat (344) na Agrarian Reform Program Technologists ( ARPT) sa posisyon na ARPO I.
Sinabi ni Estrella na ang kahilingan ay ginawa upang palakasin ang suporta sa mga agrarian reform beneficiaries (ARBs), at kumpletuhin ang pagpapatupad ng land acquisition and distribution program (LAD).
Nabanggit ni Estrella na nilalayon ng kahilingan na punan ang mga puwang at kakulangan ng tao sa baba at tiyakin na ang mga hakbangin ay magreresulta sa nais na epekto ng programa.
“Nilalayon ng hakbang na ito na palakasin ang mga development facilitator ng ahensya, na binubuo ng mga ARPT, at ang pag-upgrade sa ARPO 1 ay mag-uudyok sa kanila na ibigay nila ng todo ang pagtulong sa mga ARB na makamit ang higit na produksyon sa sakahan,” ani Estrella.
Sinabi ni Estrella na ang pinaigting at masiglang kampanya sa pag-unlad sa kanayunan ay naglalayong palakasin ang ranggo ng mga tauhan ng support services at development facilitators, na nagsisilbing frontliners ng ahensya upang tumugon sa mga pangangailangan ng mga ARB.
“Sa ngayon, 312 na bakanteng co-terminus positions ang binubusisi para sa pagtatalaga ng mga empleyado. Ang mga mapipiling bagong empleyado ay ikakalat sa mga kanayunan kung saan sila higit na kailangan para ibahagi ang kanilang mga kaalaman sa pagpapalago ng ani na siya namang ninanais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.,” aniya.
Nangako si Marcos Jr, na nagsisilbi rin bilang Kalihim ng Department of Agriculture, na gagawin niya ang lahat ng makakaya upang matulungan ang Pilipinas na maging “pangunahing kalakalan ng mga produktong pansakahan” sa buong mundo.
Ayon kay Estrella, unti-until tinutupad ng DAR ang paghahatid ng mga suportang serbisyo sa mga magsasakang-benepisyaryong para mapataas ang kanilang mga ani at kita at mapabilis ang kaunlaran sa kanayunan, sa kadahilanang halos 100 libong ektarya na lamang na workable private farm lands ang nakalaan para sa pamamahagi sa mga lugar na nasasakupan nito.
Ipinaliwanag ni Estrella na ang workable private farm lands ay tumutukoy sa mga lupaing walang usaping legal at ang mga may-ari ng lupa ay nagpahayag na ng kanilang pagpayag na makipagtulungan sa DAR para sa pagkuha at muling pamamahagi ng kanilang ari-arian sa mga magsasakang walang lupa.
Sa ngayon, mayroon pa ring humigit-kumulang 500 libong ektarya pa ng mga lupain ang ipamamahagi sa mga magsasakang walang lupa sa buong bansa, 300 daang libo dito ay ibinibilang na problematic dahil may mga usaping legal sa iba’t-ibang korte sa buong bansa at ang 100 ektarya pa ay nasa hurisdiksyon ng Ministry of Agriculture, Fisheries and Agrarian Reform, ang kagawarang ehekutibong pangrehiyon na nasa ilalim ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Sa kaugnay na balita, ipinahayag ni Undersecretary for Finance Management and Administration Jeffrey Galan ang pagtanggal ng moratorium sa pagpupuno sa mga bakanteng posisyon sa DAR central, regional at provincial offices.
Sinuspinde ng DAR ang pagpupuno sa mga nabakanteng posisyon “upang bigyan ng pagkakataon ang Kagawaran na magkaroon ng malinaw na larawan ng mga bakanteng posisyon at iba pang mga impormasyon hinggil dito sa buong bansa.”#