Ginawaran ng pagkilala ng Department of Agrarian Reform (DAR) bilang pinaka-natatanging agrarian reform beneficiaries organization (ARBO) sa buong rehiyon ng Soccsksargen ang Dolefil Agrarian Reform Beneficiary Cooperative (DARBC) dahil sa kanilang patuloy nitong pagsisikap na tumulong upang mapaangat ang pamumuhay ng mga agrarian reform beneficiaries (ARB).
Gaya ng mga natukoy sa prayoridad ni DAR Secretary Conrado Estrella III, binigyang diin ng pagkilala ang pagtutulungan, hindi lamang sa pagitan ng mga magsasaka at iba’t ibang ahensya ng gobyerno, kundi maging sa mga miyembro ng DARBC at lokal na pamahalaan ng Polomolok upang tingnan ang interes ng mga magsasaka at tuparin ang mga hinaharap na proyekto sa lugar
Sinabi ni DARBC Chairman Vincent Palma na ang kanilang pangako na palawakin ang kanilang mga serbisyo ay nadoble ngayong pormal na nilang nilagdaan ang isang alyansa ng magkatuwang na suporta sa pamahalaan ng Polomolok.
Aniya, malaki ang naiambag ng DARBC sa pagpapabuti at pagpapalakas ng sosyo-ekonomikong kapakanan ng mga ARB, maliliit na manggagawang bukid at miyembro ng kooperatiba sa pamamagitan ng produksyon ng pinya nito at iba pang negosyong pang-agrikultura.
“Ang parangal at pagkilala ay hindi ang pangunahing layunin ng organisasyon. Ang pangunahing layunin nito ay lumikha ng isang kooperatiba na magbibigay ng pinakamabuting benepisyo sa mga miyembro nito at sa komunidad,” aniya.
Ipinaabot ni Palma ang kanyang pasasalamat sa DAR, at sa lahat ng miyembro, opisyal, kawani at mga taong tumulong sa kooperatiba na umangat at maging pinakaprogresibong ARBO sa rehiyon.
Sinabi ni H. Roldan Ali, DAR-Soccsksargen Assistant Regional Director na ang kooperatiba ay halos 34 na taon nang nagpapatakbo at napatunayan na ang mga suportang serbisyo na ibinigay ng DAR ay mahusay at mabisang pinamahalaan.
“Sa paglipas ng mga taon, naging katuwang ng DAR ang kooperatiba sa pagtulong sa mga ARB at gawing mas progresibo ang kanilang buhay,” aniya.
Sinabi ni Ali na ang pagkilala bilang pinakanamumukod-tanging ARBO sa rehiyon ay isa sa pinakamahalagang tagumpay para sa isang kooperatiba at hinikayat silang mangarap na makilala bilang nangungunang ARBO sa buong Pilipinas para sa hinaharap.
Pormal na iginawad ang plaque of recognition sa kooperatiba sa Club Kalsangi, Brgy. Cannery, Polomolok, South Cotabato.#