Matapos matupok ang kabahayan sa Sitio Bato-Bato 2, Barangay Dolores sa Taytay, Rizal, nagpadala kaninang umaga ng 200 units ng 5-gallon Healthy & Pure drinking water ang Manila Water Foundation at Manila Water – Pasig Business Area sa mga pamilyang naging biktima ng sunog nitong Sabado.
Kasalukuyang nasa evacuation center pa ng Golden City Covered Court ng Barangay Dolores ang 77 pamilya na siyang pinakamakikinabang sa inuming tubig na ito. Personal ding tinanggap ni Mayor-Elect Allan De Leon at Councilor-Elect Tobit Cruz ang tulong mula sa Manila Water Foundation.
“On behalf of Kapitan Allan De Leon, kami po ay nagpapasalamat sa pamunuan ng Manila Water sa walang sawang pagtulong sa mga nabiktima ng sunog sa aming lugar sa Sitio Bato-Bato 2, Barangay Dolores, Taytay, Rizal,” sabi ni Sitio Chairman Jeffrey Bernardez. “Ito pong pangyayari ay lubhang nakalulungkot sapagka’t napakaraming pamilya ang nawalan ng tahanan at ikinabubuhay,” dagdag ni Bernardez.
Samantala, patuloy namang tumatanggap ang lokal na pamahalaan ng Taytay ng tulong para sa mga pamilyang nasunugan. “Magsadya lamang po sa basketball court ng Golden City Subdivision na nagsisilbing evacuation area ng mga nabiktima,” panawagan ni Bernardez.
Ang tulong ng Manila Water Foundation ay bahagi ng programa nitong Agapay: WASH in Emergencies na naglalayong makapag-abot ng tulong pangtubig, sanitasyon at palalusugan o WASH sa mga komunidad na na-apektuhan ng mga sakuna. Ang Manila Water Foundation ay ang social development arm ng Manila Water na nagsusuplay ng tubig sa silangang bahagi ng National Capital Region at sa lalawigan ng Rizal. #(MWC Corporate Communications)