Nagkaloob ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa North Cotabato ng isang yunit ng hauling truck na nagkakahalaga ng Php Php1.3 milyon sa isang kooperatiba ng katutubong mamamayan o indigenous peoples (IP), partikular sa B’laan Klayag Amda De Du Sansato ARB (agrarian reform beneficiary) cooperative sa Bacong Village, sa bayan ng Tulunan upang mapabilis ang pagbiyahe ng mga produktong agrikultural sa merkado.
Sa karaniwan, ang B’laan Klayag Amda De Du Sansato ARB Cooperative ay nakakapaghatid ng may 40 tonelada kada buwan ng cardava banana sa Liberty Fruits, Inc. sa barangay Mua-an, Kidapawan City at sa iba pang kliyente.
Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO) II Reynaldo Anfone ang pagkaantala s paghahatid ng mga produktong saging ay mababawasan, kung hindi man maiiwasan na dahil sa gamit pangtransportasyon na naipagkaloob ng DAR.
“Siguradong mababawasan ang gastusin sa pagbibyahe ng produkto ng mga kooperatiba patungo sa pamilihan dahil sa hauling truck na naipagkaloob sa kanila. Inaasahan din na magkakaroon sila ng dagdag kita kapag nasimulan na nila ang negosyong pagpaparenta o hauling services,” ani Anfone.
Ang hauling truck ay naisakatuparan sa ilalim ng The PaSSOver: ARBold Move for Deliverance of ARBs from the COVID-19 Pandemic project, na isang tugon para sa pangangailangan na magkaroon ng napapanahon at epektibong mekanismo na makapagbibigay ng suporta sa mga ARB sa panahon ng pandemya.
Ani Coop Project Manager Cesar Masili, na sa ilang taon ng implementasyon ng kanilang negosyo, palagi nilang nagiging problema ang mga pagkaantala sa paghahatid ng produkto dahil madalas na huling dumadating ang mga trak na kanilang inaarkila kung kaya mas maraming oras ang nasasayang.
“Ngayong mayroon na tayong hauling truck, kontrolado na natin ang oras sa paghahatid ng ating produkto at mas marami na tayong panahon para sa mga gawain sa sakahan,” ani Masili.
Pinayuhan naman ni PARPO I Charish Paña ang mga kooperatiba na magtayo ng komite na titingin sa pagpapanatili at pagmo-monitor ng trak upang maseguro ang pang-matagalang paggamit dito.
Ang kooperatiba ng mga katutubong mamamayan ay nagnenegosyo ng saging na cardava mula pa noong 2016 pagkatapos isakatuparan ang proyektong DAR-Catholic Relief Service na tinawag na “Linking Smallholder Farmers to Market” sa kanilang lugar.# (Public Assistance and Media Relations Service, Department of Agrarian Reform)