Nagsanib puwersa na ang Crime and Corruption Watch International (CCW Intl) at National Confederation of Irrigators Association (NCIA) upang bigyan ng pansin ang mga magsasaka sa bansa na matagal na umanong ipinagsasawalangbahala ng mga opisyal ng ahensya.
Sa eksklusibong panayam ng Tuklasin Natin kay Carlo Margno M. Batalla, Chairman ng Crime and Corruption Watch International, ang paglagda ng Memorandum of Agreement nila ng NCIA National Confederation President Silvestre B. Bonto ay isang simula upang matutukan ang sektor ng pagsasaka dahil sa korapsyong kinasasangkutan ng National Irrigation Administration na lalong nagpapahirap sa sitwasyon ng magsasaka ng palay.
Aniya, panahon nang magkaroon ng magbabantay at magkaroon ng boses ang mga magsasaka sa NIA kaya humihiling ang CCW gawing kasapi ng Bids and Awards Committee ang NCIA bilang Farmer Representative na siyang magbabantay sa panahon ng bidding ng mga proyekto ng NIA.
Batay sa Memorandum Circular 78 S,2020 na ang bumubuo ng BAC ay pawang mula sa opisyal ng NIA.
Dagdag ni Batalla, malaking pondo ang ginagastos ng NIA sa mga proyekto ng irrigation canal at dams na milyong piso ang nawawaldas at napupunta lamang sa bulsa ng mga opisyal ng NIA sa halip na mapakinabangan ng mga magsasaka na bumubuhay sa sambayanang Pilipino.
Mariing sinabi ng dating Camarines Sur Board Member Batalla na may malaking korapsyon nagaganap sa mga bidding ng proyekto sa Bicol. Ilan sa mga bidders ay hindi na dapat binibigyan ng award dahil sa hindi umano kwalipikado o kundi man ay ghost project.
Pananagutan umano ni Ret. Gen. Ricardo R. Visaya ang nangyayaring korapsyon dahil sya ang Administrator ng nasabing ahensya.
Pinatunayan naman ni Silver Bonto, na sa 18 taon nyang aktibo sa NIA bilang lider ng NCIA, kailanman ay hindi nakasali ang kanilang samahan sa anumang bidding bilang tagapagbantay.
Matatandaan na ang National Irrigation Administration ay naitatag batay sa Republic Act (RA) 3601 noong Hunyo 22, 1963.
Nagkaroon umano ng pag-asa ang mga magsasaka sa katauhan ni Carlo Batalla ng CCW dahil may kakampi na ang NCIA na matagal nang winaglit ng pamahalaan gayong ayon sa datos 70 porsiyento ng suplay ng palay ay mula sa Irrigators.
Si Carlo Batalla ay ang isa sa mga nagsampa ng kaso sa Ombudsman noong Setyembre 2013 laban sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam mastermind Janet Lim Napoles at ang 28 iba pang mambabatas.# (Cathy Cruz)