February 8, 2021 – Maagang bumiyahe ang iba’t ibang grupo ng kinatawan ng Lions Club District International 301-A2 Philippines, Binhi Biofarm, mga kinatawan ng Kabataang may magagawa, support group ng Armed Forces of the Philippines at mga pulis mula sa Rizal Police Provincial office upang maghatid ng tulong at pag-asa sa Dumagat tribe sa Sitio Mainit, Barangay San Jose, Antipolo City. Dala ng grupo ang nasa isang libong lagundi seedlings para sa naturang komunidad.
Buong ngiting sinalubong ng Dumagat Tribe ang grupo, nag-alay ng dasal at pasasalamat sa pagsisimula ng makabuluhang aktibidad.Isa sa magandang magagawa ng isang tao ay ang pagtatanim ng puno para sa ating kalikasan pero higit na maipagmamalaki ng isang tao ang makatulong hindi lamang sa kalikasan kundi maging sa kabuhayan at kalusugan ng mamamayan.
Sa ilalim ng Puno Sagip Buhay, I Plant, I Share, I Save Community Program, isang bagong pagasa sisibol sa bawat tahanan at komunidad na bibisitahin ng programa. Layunin din ng naturang aktibidad ang pagbibigay kabuhayan sa bawat pamilyang mangangalaga ng mga pananim.
Ayon sa Founder ng Binhi Biofarm na si Patrick Roquel malaki ang maitutulong ng pagtatanim ng puno ng halamang gamot na lagundi, bukod sa nakatutulong ito sa kalikasan may hatid din itong benepisyo sa kalusugan lalong lalo na nilalabanan natin ngayon ang CoViD virus.
“Ang layunin nito ay para matulungan ang mga komunidad. Ang Puno Sagip Buhay ay may objective, I Plant, I Share, I Save Community. Nagsimula kami magtanim ng mga lagunding ito at dahil sa napalawak namin ang pagtatanim ipinamamahagi namin ito sa iba’t ibang sektor at komunidad para madalhan sila ng medisina mula sa mga dahon ng lagundi na mabibigay ginhawa sa komunidad. Noong una, sa likod ng Taal Vulcano ay source of income ito ng mga tao dahil nang lumaki ang mga puno ito na rin ang ginagawang uling para magkaroon ng hanapbuhay, dagdag ni G. Roquel.
“Mahalaga ang lagundi sa Pilipinas dahil pinag-aralan ng mga dalubhasa at kinokontrol. Isang gamot para sa ubo at asthma sa kasalukuyan ngunit pinag-aaralan na rin panlaban sa CoViD virus,” ayon naman kay Dra. Elinor Tee-Roquel.
Malaking bagay ang ginawa ng Binhi Biofarm kasama ang iba’t ibang organisasyon na bumuo ng nasabing aktibidad, lalo na malayo sa kabihasnan ang lugar ng mga Dumagat kung saan mahirap para sa kanila na maabot ang serbisyong medikal dahil sa masukal na daan patungo sa kanilang lugar.
Labis naman ang pasasalamat ng ilan sa mga benepisyaryo na nangakong aalagaan ang mga puno ng mga halamang gamot na lagundi para sa dagdag na kabuhayan sa kanilang mga pamilya.
Ayon kay Rosalie B. Perez, Auditor ng Stio Mainit, Barangay San Jose, Antipolo City, “nagpapasalamat kami ng malaki dahil kami ang napili lagyan ng beneficiary sa Sitio Mainit dahil maraming tao ang makikinabang dahil sa ang lagundi ay isang gamot lalo na sa mga Dumagat, maraming walang trabaho, kahit hindi Dumagat ay walang ring trabaho, kaya maraming salamat po dahil kami ang napili.”
“Ito ay pipilitin naming mapaunlad ang mga punong itinanim para mapakinabangan din ng mamamayan at kabataan.”
Samantala, bukod sa tree planting, napuno rin ng kasiyahan at ngiti ang bawat isa sa naturang tribo kaugnay sa isinagawang gift giving activity ng grupo mula sa mga palaro hanggang sa pagbibigay ng mga regalo.
Ayon kay Lt. Christian Allan Paul Bauya, Civil Military Operations Officer ng Armed Forces of the Philippines, “Nandito kami ng PNP at AFP na magka-tie up palagi na nasa malalayong lugar ng Barangay Calawis, na isang area na lamang ang Indigenous People (IP’s) na Dumagat Tribe, halos lahat ng Dumagat ay target ng makakaliwang grupo dahil sa karamihan sa tribo ay hindi nakapagtapos ng pag-aaral.”
Dagdag ni PLTCOL. Evangeline P. Santos, Deputy Provincial Director for Operation ng PNO, Rizal Police Provindial Office, “Siyempre kami po sa PNP katuwang ang AFP ay tumutulong at nakikipag-ugnayan lagi sa komunidad ng Dumagat.”
Mula sa mga volunteers ng nasabing aktibidad ay bakas din ang kasiyahan na makapaghatid ng tulong at pagasa sa mga kababayan nating nasa laylayan ng lipunan na bihirang maabot ng pamahalaan dahil sa layo ng lugar.
Labis din ang pasasalamat ni Ms. Jazz Herrero, Zone Chairperson Region 1 District 301 A2 Lions Club Makati Golden kina G. Patrick Roquel at Dra. Elinor Tee Roquel dahil naging daan upang matulungan ang Dumagat Tribe.
Kagalakan din ang naramdaman ni G. Redldino Aquino, Global Leadership Team Coordinator ng Lions Club Pasig Bayanihan dahil sa katapatan ng layunin ng programang makapagtanim ng puno.
Pasasalamat ang nais ding iparating ni Vicente D. Calooy, Founding Chairman ng Kabataang May Magagawa dahil sa pakinabang na makakarating sa mga taga Antipolo.
Sa ilalim ng Puno Sagip Buhay I Plant, I Share, I Save Community Program gamit ang puno ng lagundi, sabay na hinimok ng Binhi Biofarm ang pamahalaan na ikonsidera ang paggamit ng lagundi at pag-aaral nito dahil sa lawak ng kapakinabangang makukuha mula sa nasabing halamang gamot. Magagamit umano rin ito sa mga susunod na panahon lalo’t kasalukuyang pa ring humaharap sa hamon ng CoViD 19 ang ating bansa.
Maaaring isa ang lagundi sa puwedeng maging solusyon sa medikal na paraan bilang alternatibong gamot laban sa CoViD 19.
Asahan ang pagbisita ng grupo sa iba pang mga liblib na lugar sa bansa na labis na nangangailangan ng suportang pangkabuhayan at pangkalusugan.#