Balintawak, Quezon City – Nagsagawa ng pagbisita sa mga magsasakang biyahero mula Bulacan ang Kagawaran ng Pagsasaka (DA) sa pangunguna ni Secretary William Dar, Assistant Secretary for Agribusiness Kristine Evangelista, Undersecretary for Operations and Agri-Fisheries Mechanization Engr. Ariel Cayanan, Regional Director ng Gitnang Luzon Crispulo Bautista at Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) Chief Fernando Lorenzo noong ika-27 ng Enero sa Juliana Market.
Ang Bulacan Farmers Agricultural Cooperative na matatagpuan sa San Ildefonso, Bulacan ang isa sa mga nagsusuplay ng mga sariwang gulay sa merkado. Kada araw nasa humigit kumulang 90 MT na lowland vegetables ang naibabagsak ng Bulacan sa merkado ng Metro Manila. Sa kanilang pag-aangkat naiiwasan na magkaroong ng middleman at nagiging mas mababa ang presyo ng mga gulay dahil direkta ng nabibili ng mga wholesalers at retailers ang kanilang mga ani.
Hinihikayat naman ng Chairperson ng Bulacan Farmers Agricultural Cooperative Daisy Duran ang mga mamimili. “Kung gusto po ninyo na makatikim ng murang gulay mayroong mga KADIWA outlet po na kung saan ay direktang mga magsasaka ang nagtitinda ng kanilang mga pananim at doon po ay sinusunod namin ang suggested retail price na tinakda ng Department of Agriculture,” ani Duran.
“Hindi na dapat taasan ang presyo ng mga gulay dahil mayroon ng sapat na suplay na galing sa iba’t ibang probinsya katulad ng Bulacan,” sambit ni Kalihim Dar.
Pahayag ni Secretary Dar ang naranasang pagbaba ng suplay ng gulay sa National Capital Region (NCR) na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng mga gulay ay bunga ng mga nakaraang bagyo na narasan ng iba’t ibang rehiyon.
“Ang ating mga magsasaka ay apektado ng bagyo noong nakaraang Nobyembre at nakapagtanim noong Disyembre, ngayon ay nagsisimula na ang harvesting kaya nakakapag suplay na ulit ng kanilang mga produkto dito sa NCR, kasabay nito ay ang pagbaba ng mga presyo,” dagdag ni Dar.
Bukod dito, ipinahayag ng Kalihim na makikipag ugnayan sila sa Philippine Competition Commission upang siyasatin ang mga traders at sellers na nagbebenta ng higit pa sa suggested retail price na tinakda ng DA. # # # (DA-RFO III, RAFIS)