SOLANO, Nueva Vizcaya – Pinalawak ni Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary John R. Castriciones ang sakop ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) upang maisama ang mga retirees ng ahensya “basta sila ay mga nagtapos ng anumang apat na taong kursong may kinalaman sa agrikultura.”
Ipinahayag ito ni Brother John sa ginanap na pamamahagi ng mga Certificates of Land Ownership Award (CLOAs) na sumasakop sa 111.29 ektaryang lupaing pansakahan sa 88 agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa Barangay Baretbet, Bagabag, Nueva Vizcaya.
“Ito ang paraan upang ipakita ang aming taus pusong pasasalamat sa mga retirees at sa pagbabahagi ng kanilang kaalaman at kakayahan sa kagawaran,” ani Bro. John.
Ipinaliwanag ni Bro. John na ang hakbang na ito ay naglalayon upang mapanatili ang mga lupaing pansakahan para sa seguridad sa pagkain ng bansa dahil “binibigyan nito ang mga magreretirong opisyales at kawani ng DAR ng ibang pagkakaabalahan para gamitin ang kanilang kaalaman para sa produksyon ng pagkain.”
Ang pagpapalawak ng sakop ng CARP ay ayon sa kaisipan na ang sinumang kumukuha o kumuha ng kursong pang-agrikultura ay yayakapin ang pagsasaka nang buong puso bilang isang propesyon.
Kamakailan lamang ay nagbitaw ang hepe ng DAR nang katulad na pahayag kung saan ang mga bagong nagtapos ng anumang apat-na-taong kursong may kaugnayan sa agrikultura ay maaaring mabiyayaan ng hindi hihigit sa tatlong ektaryang lupaing pansakahan na maituturing nilang “farm laboratories” kung saan nila magagamit ang kanilang mga kaalaman at magagandang pamamaraan ng pagsasaka.
Ang tatlong ektaryang ipamamahaging lupaing pansakahan sa mga benepisyaryo ng CARP ay igagawad sa lahat, maging magsasakang walang lupa, bagong tapos ng apat na taong kurso ng agrikultura o mga retiradong empleyado ng DAR na tapos rin ng apat na taong kurso ng agrikultura.
Isinulong ni Bro. John ang hakbanging ito makaraang makatanggap diumano ng mga nakakabalisang balita na may mga benepisyaryong magsasaka ang nagbebenta o nagsasanla ng mga lupaing pansakahan na ibinahagi sa kanila sa ilalim ng programa ng repormang pansakahan ng pamahalaan.
Ang nasabing nakakabalisang balita ang nag-udyok kay Bro. John para ilunsad ang programang “Kumustasaka at ARBisita” nitong ika-17 ng Enero 2021 upang alamin kung ano na ang estado ng programa ng repormang pansakahan ng pamahalaan.
Nais malaman ng bagong programa kung sino na ang kasalukuyang nagmamay-ari ng mga ipinamahaging lupang pansakahan, ano ang mga tinatanim sa mga ito at kung anu-anong suportang serbisyo ang kinakailangan upang mapalago ang ani.
Sinabi ni DAR Undersecretary for Support Services Emily Padilla na ang programang Kumustasaka at ARBisita ay naglalayong makilala ang mga tunay na magsasakang benepisyaryo at masegurong ang mga ayuda ng DAR ay hindi mapupunta sa mga maling kamay.
Ayon kay Padilla, napasin niya sa mga nakalipas na pamamahagi ng mga ayudang pagkain at mga pananim sa ilalim ng “PaSSOver ARBold Move for Deliverance of ARBs from Covid 19” na ang “ibang mga nakatanggap ay hindi talaga mga magsasakang benepisyaryo.”
Pinapurihan naman ni Undersecretary for Planning, Policy and Research Virginia Orogo ang nabanggit na programa, na malaki ang maitutulong nito sa DAR upang malaman kung hanggang saan na ang narating ng programang repormang pansakahan sa nakalipas na 48 taong pagpapatupad nito.
Aniya napapanahon na para magkaroon ang DAR ng kumpletong profile ng bawat magsasakang benepisyaryo upang makita ang progreso ng programa.-30-