BINIGYAN NG kaukulang pagkilala ng Department of Agrarian Reform ang anim na mga siyentistang magsasaka ng Cavite na kusang-loob na tumulong sa pagtataguyod ng kauna-unahan at matagumpay na proyektong urban vegetable gardening na isinulong ng DAR kamakailan sa lupaing nasasakupan ng Saint John Bosco Parish sa Tondo, Manila na dating ginagamit bilang football field.
Kinilala ni DAR-Cavite provincial agrarian reform program officer James Arthur Dubongco ang mga nasabing siyentistang magsasaka na sina Joselito Tibayan, Allan Marjes Tibayan at Roberto Mojica, pawang mga opisyales ng Palanque Agrarian Reform Cooperative sa Naic; Danilo Arnes at Mario Profeta ng Tres Cruces Agrarian Reform Beneficiaries Farmers Association; at Teresita Villanueva ng Barangay Bunga Farmers Association sa Tanza.
Pinasalamatan sila ni Dubongco sa pagbabahagi ng kanilang kaalaman sa pagsasaka sa mga residenteng ng mga barangay sa paligid ng Saint John Bosco Parish na nakisama sa pagtataguyod ng nasabing urban gardening na tinaguriang “Buhay sa Gulay” ni DAR Secretary, Bro. John R. Castriciones.
“Ang inyo pong talent at husay sa larangan ng pagsasaka ay hindi ninyo ipinagkait. Ang inyong pagtugon ang naging hudyat para sa ikatatagumpay ng nasabing proyekto. Salamat po sa inyong oras at kaalaman,” ani Dubongco.
Isinulong ni Brother John nang nasabing proyekto sa pakikipagtulungan ni Fr. Gaudencio Carandang, ang kura paroko ng Saint John Bosco Parish, makaraan mapansin ng una ang nakatiwangwang na football field habang siya at mga kapwa opisyales ng DAR ay namamahagi ng pake-paketeng pagkain dalawang Buwan na ang nakararaan sa mga residenteng naninirahan sa paligid ng simbahan.
Ang DAR ang nagbigay ng pananim, abono at pestisidyo, at nagpahiram ng tractor at iba pang gamit sa pagsasaka para linangin ang nasabing lote, habang ang mga residente ng mga barangay, pangunguna ng kanilang punong barangay, and nagboluntaryo para magtanim at mangalaga sa nasabing proyektong gulayan sa kalunsuran.
Kontento sa naging magandang resulta ng kauna-unahang proyektong gulayan sa kalunsuran, sinabi ni Brother John na may ilang lokal na pamahalaan ang lumapit sa kanyang tanggapan at nagpahayag ng kagustuhang gawin din sa kanilang nasasakupan ang nasabing proyekto, kabilang na ang mga lungsod ng Quezon at Caloocan.# # #