Namahagi kamakailan ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng mga gamit pangsakahan sa 2,103 agrarian reform beneficiaries (ARB) sa Surigao del Sur bilang bahagi ng tulong sa pagiging produktibo ng mga magsasaka sa gitna ng pandemya.
“Kami ay naghahatid ng mga suportang serbisyong ito upang makatulong na mabawasan ang kahirapan ng mga ARBs sa oras na ito ng krisis,” sabi ni DAR Regional Director Leomides R. Villareal.
Sa 2,103 ARBs, may 1,487 ang tumanggap ng tig-iisang bag relief goods na naglalaman ng mga de lata, bigas, pansit, kape, sabong panligo at rubbing alkohol.
816 ARBs naman ang nabigyan ng mga production kits na binubuo ng dalawang pakete ng ibat-ibang binhi ng gulay, isang litro na pataba, isang litro na pestisidyo, isang patag na pala, isang pala at dalawang rolyo ng naylon.
“Makatutulong ito sa mga magsasaka na magkaroon ng dagdag na kita at sabay na matugunan ang mga kinakailangang nutrisyon ng kanilang pamilya sa oras na ito ng pandemya,” sabi ni Villareal.
Sinabi ni ARB Namoc Jesfano, miembro ng Bayan Free Farmers Multi-purpose Cooperative, “Ako mapasalamaton sa buhatan sa DAR nga isa ako sa napili nga modawat niining farm productivity. Daku kini nga tabang labi na sa panahon karon sa pandemya diin lisod ang pagpangita ug panginabuhian”. (Nagpapasalamat ako sa DAR sa pagpili sa akin bilang isa sa mga tatanggap ng tulong na ito. Malaking tulong talaga ito lalo na sa panahon ngayon na mahirap makakita ng opportunidad para kumita.)
Ang Chairperson ng San Roque Farmers Producers Cooperative (SRFPC) ng San Miguel na si Eddie Minguito ay nagpasalamat sa DAR dahil sa tulong at pasilitasyon sa panahon ng enhanced community quarantine (ECQ) na nagawa nilang ipagpatuloy ang kanilang mga aktibidad sa pagbebenta at paghahatid ng kanilang mga produktong bigas sa mga institusyunal na mga mamimili.
Sinabi ni Provincial Agrarian Reform Program Officer Leoncio C. Bautista na nagbigay din ang DAR ng tulong sa 15 kababaihang ARBs ng lalawigan.
Ang ibinigay na tulong ay mga starter kit sa pagpapalaki ng baboy, at pagtatanim ng kamoteng kahoy at mga gulay. Kasama sa starter kit ng pagpapalaki ng baboy ay ang mga sumsusnod: mga biik, at mga sako ng pagkain ng hayop. Ang starter kit naman ng sa pagtatanim ay: mga sako ng pataba, mga pakete ng punla, at mga kagamitan sa bukid tulad ng pala, asarol, at palakol.
“Ang mga negosyong ito ay madaling pamahalaan at mabilis ang pagbalik ng puhunan, kaya’t
makakatulong ito nang malaki upang madagdagan ang kanilang kita para sa pamilya sa panahon ngayon ng kagipitan,” sabi ni Bautista.
Ang mga suportang serbisyong ito ay ipinatutupad sa ilalim ng “The PaSSOver: ARBOld Move to Heal as One Deliverance of our ARBs from the Covid-19 Pandemic.” Ang pagsisikap na ito ng DAR ay upang makatulong na mabawasan ang kahirapan ng mga ARB at isa ring paraan na matiyak ang seguridad ng pagkain ng bansa sa oras ng krisis.###