Ang Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP) na programa ng pamahalaan, katuwang ang Department of Agrarian Reform Program (DAR) ay maglulunsad ng isang programang pautang habang pinagpapatibay nito ang suporta para sa mga agrarian reform beneficiaries’ organizations (ARBOs) at mga community-based organizations na kasama sa ilalim ng programang EPAHP.
Ang EPAHP, sa pamamagitan ng Land Bank of the Philippines (LBP) ay nagkaloob ng P2 bilyong pondo sa nasabing programa. Nag-aalok ito ng isang loanable amount na hanggang 80 porsyento ng iginawad na presyo ng kontrata para sa mga kalakal na ihahatid ng mga ARBOs sa mga ahensya ng pamahalaan. Ang bawat pasilidad sa kredito ay may panandaliang linya ng pautang o short-term loan line na may limang porsyentong interes kada taon. Ang programang pagpapautang sa EPAHP ay makakamit ngayon hanggang Disyembre 21, 2022.
Ayon kay DAR Undersecretary ng support services office na si Emily O. Padilla, nagbigay na ng direktiba si Secretary Brother John Castriciones na simulant ang implementasyon ng pautang na ito sa buong bansa.
“Habang hinahangad naming maabot ang mas maraming mga magsasaka sa buong bansa, ginagawa namin ang lahat para mas mapakinabangan ng nakararami ang programang ito. Pinalalakas namin ang layunin nitong maka-utang ang mga magsasaka ng mas madali at mabilis lalo na sa panahong ito ng pandemya,” sabi ni Padilla.
Sinabi ni Padilla na isang memorandum ang ipinadala sa lahat ng mga tanggapan ng DAR sa buong bansa na nag-uutos sa lahat ng mga tagapagpatupad na ipakilala ang programa at ipaliwanag sa mga ARBO ang mga detalye ng programang pautang ng EPAHP.
Noong Oktubre ng nakaraang taon, inaprubahan na ng Land Bank of the Philippines ang P2-bilyong pondo para sa programa sa pautang na magagamit ng mga magsasaka sa ilalim ng programang EPAHP.
“Ang programang pautang ng EPAHP ay sumusuporta sa pagsisikap ng gobyerno na bawasan ang insidente ng gutom at kahirapan sa bansa. Nilalayon nitong magbigay ng tulong sa kredito sa mga kwalipikadong organisasyon sa mga komunidad bilang suporta sa pagsisikap ng pamahalaan na matugunan ang gutom, seguridad sa pagkain at nutrisyon, at kahirapan,” ani Padilla.
Ang programa sa pagpapautang ng EPAHP ay magdadala ng suporta sa pamamagitan ng mga kooperatiba ng mga magsasaka at mangingisda, mga asosasyon ng mga patubig, at mga institusyong pampinansyal sa kanayunan.
“Ang layunin ng pautang na ito ay upang tustusan ang mga bibilhin o ang mga natanggap na kontrata mula sa mga ahensya ng pamahalaan upang makapagbigay o makapag-suplay ng mga pagkain na kinakailangan sa iba’t ibang mga programa ng gobyerno,” ani Padilla. (Public Assistance and Media Relations Service, Department of Agrarian Reform)