Katuwang ang PhilMech, ang Kagawaran ng Pagsasaka ay naglunsad ng Hands- On Training on the Operation and Maintenance of Rice Machinery sa 34 magsasaka mula sa iba’t ibang bayan ng Silangang Mindoro sa DA-Regional Integrated Agricultural Research Institute (RIARC), Brgy. Alcate, Victoria, Oriental Mindoro noong Nobyembre 24-27.
Layunin ng DA – PhilMech na ipaalam, sanayin, at linangin ang mga magsasaka mula sa iba’t ibang lalawigan ng MIMAROPA ukol sa mga makinaryang pangsakahan na ipinagkakaloob ng Kagawaran ng Pagsasaka sa kanilang mga kooperatiba nang sa gayon ito ay wastong magamit at mapangalagaan, at maiwasan ang mga peligrong kaakibat ng pagpapatakbo nito.
Upang mapanatili ang social distancing, pinangkat sa dalawa ang mga magsasakang kinatawan ng iba’t ibang farmer organizations kung saan ang bawat batch ay sumailalim sa dalawang araw ng pagsasanay.
Sa umaga ng unang araw ng bawat batch, isinagawa ang isang balik-aral ukol sa mga proseso ng pagsasaka sa isang paunang online class bago ang aktwal na gawain. Sinundan ito ng isang pantas-aral ukol sa mga panuntunang pangkaligtasan at pagpapanatili ng mga makinaryang pansaka sa DA-Satellite Office, Brgy. Camilmil, Calapan City.
Sa hapon hanggang ikalawang araw, inihatid ng kagawaran ang mga magsasaka sa farm machinery training site sa DA – Regional Integrated Agricultural Research Center (RIARC), Brgy. Alcate, Victoria para sa kanilang hands-on na pagsasanay sa iba’t ibang makinarya; Transplanter, Combine Harvester, Four-wheel Tractor, at Precision Seeder at iba pa.
“Kami pong nasa Technology Management and Training Division, kami po ang nangangasiwa sa trainings ng mga farmers para matutunan po nila ang pag-ooperate ng mga makinarya at maiwasan ang mga aksidenteng maaaring mangyari,” wika ni Science Research Analyst Percival de Guzman ukol sa pagpapatakbo ng mga makinarya, “Sa kabila po ng mga sakunang nararanasan natin, yun mga machineries na ipinamimigay ng DA PhilMech ay malaking bagay po para sa mga farmers lalo na po sa mga anihan, sa kanila pong postharvest, dahil bago pa po magbagyo ay makakapag-ani na po sila nang mabilis.”
Natutuwang ikinuwento ni Rosalinda Candido, nag-iisang babae sa buong pagsasanay at pangulo ng Farmers Association ng San Isidro na may 105 mga kasapi at 300 hektaryang sakahan, ang kaniyang mga naging karanasan, “Enjoy kami sa paggagawa ng seedbed, natuto sa ilang sukat ang dapat na ilalagay na binhi, saka yung pagpapatag ng lupa at yung tamang mixture nito, kaya talagang sinulat ko yung mga kagamitang kailangan. Ako po kasi ay lumaki sa pagsasaka kaya ako ay interesado sa ganitong mga seminars,” dagdag niya.
Winakasan ang aktibidad sa isang graduation ceremony kung saan tumanggap ang bawat magsasaka ng Certificate of Completion na palatandaan ng kanilang mga natutunan sa naganap na pagsasanay.
Kabilang din sa mga nangasiwa sa pagsasanay ng mga magsasaka sina DA – RIARC Farm Machinery Staff Engr. Johvan Cataloctocan at Engr. Erjhon Dinglasan. # # # (Elan Vital D. Buhay, DA-RFO IVB, RAFIS)