Ang Department of Agrarian Reform (DAR) ay magkakaloob ng mga lupang agrikultural sa mga kwalipikadong nagtapos ng apat-na-taong kurso sa agrikultura o may kaugnay na kurso sa nasabing larangan para sa kanilang pagpapalakas pang-ekonomiya at paglago ng bansa, pagkatapos matukoy ang 230,000 government-owned lands (GOLs) na maaaring maipamahagi sa mga kwalipikadong aplikante.
Sinabi ni Agrarian Reform Secretary Brother John R. Castriciones na ang isang tao ay maaaring mabigyna ng lupang pang-agrikultura ng DAR mula sa mga hindi nagamit na lupain na pagmamay-ari ng pamahalaan at maging isang agrarian reform beneficiary sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Sinabi ni Brother John na ang Administrative Order No. 3, Serye ng 2020 ay nagsasaad ng mga kinakailangang kondisyon upang maging kwalipikasyon: bilang mga nagtapos ng kursong agrikultura na maaaring mapagkalooban ng lupang sakahan.
Una, ang aplikante ay dapat nagtapos ng isang apat-na-taong kurso sa agrikultura, agriculture engineering, forestry, forest engineering, o mga kaugnay na kurso sa nasabing larangan ng agrikultura at sertipikado ng registrar kung saan nagtapos ng pag-aaral; pangalawa, ang aplikante ay walang lupa; pangatlo, ang aplikante ay residente ng munisipalidad kung saan matatagpuan ang pagmamay-ari ng lupa; pang-apat, may kahandaan at kakayahang linangin at gawing mabunga ang lupa; at panglima, ang aplikante ay walang nakabinbing aplikasyon sa harap ng DAR bilang isang beneficiary ng repormang agraryo at walang nakabinbing aplikasyon o hindi naging benepisyaryo sa ilalim ng DAR A.O. No. 03, Serye ng 1997.
“Nakipag-ugnayan na ako sa Commission on Higher Education (CHED). Kami ay magdaraos ng isang meeting kung saan ang lahat ng Presidente ng state, universities, at colleges ay makikipagtulungan upang ma-implement ang batas na ito para mapalawak ang agrikultura dito sa ating bansa,” sabi ni Castriciones.
Sinabi ni Castriciones na ang bansa ay hindi nagkukulang sa pagbibigay ng edukasyon at pagsasanay para sa mga kabataan sa larangan ng agrikultura, , agricultural engineering, forestry, forest engineering at mga kaugnay na na kurso sa nasabing larangan.
Isiniwalat niya na iniulat ng CHED na para sa akademikong taon ng 2017-2018, may kabuuang 26,861 na nagtapos sa kurso ng agrikultura mula sa mga pambansang unibersidad at kolehiyo, iba pang mga paaralan ng pamahalaan, at mga lokal na unibersidad at kolehiyo.
Sa kasamaang palad, karamihan sa mga nagtapos ay naghahanap ng mas magandang kinabukasan, hindi sa bukid. Nagtatrabaho sila sa mga lungsod o sila ay nagiging mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa. Ayon sa ulat, ang bilang ng mga nagtatapos sa agrikultura at mga kaugnay na larangan ay nababawasan na.
“Upang hikayatin ang ating kabataan, upang magamot ang depekto, kailangan bigyan ng lupa ang mga nagtapos sa agrikultura upang maibalik ang kanilang kasiglahan sa pagtatanim at magkaroon sila ng farm laboratory upang magamit nila ang kanilang pinag aralan, lalo na ang makabagong teknolohya para po mapa-unlad ang mga sakahan sa kanayunan,,” ayon sa kanya.
Ang lahat ng mga aplikasyon sa ilalim ng programang ito ay dapat isumite sa municipal agrarian reform program officer (MARPO), o kung wala ang MARPO sa munisipalidad, ay sa Provincial Agrarian Reform Program Officer II (PARPO II).
Ang aplikasyon upang maging benepisyaryo ay dapat na binubuo ng mga sumusunod: aplikasyon, katunayan ng pagkakakilanlan; Letter of Intent ng aplikante na nagpapahayag ng interes na maging isang awardee ng lupang pang-agrikultura at ang notaryadong sertipiko ng registrar ng institusyong pang-edukasyon na nagsasaad na ang aplikante ay isang bona fide na nagtapos ng isang apat na taong kurso na bachelor sa agrikultura, agriculture engineering, forestry, forest engineering, o may kaugnay na kurso sa larangan nito. #(Public Assistance and Media Relations Service, Department of Agrarian Reform)