Namahagi kamakailan ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng tulong pangkabuhayan na nagkakahalaga ng PhP12.45-milyon sa 498 na mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa Binalonan, Pangasinan upang madagdagan ang kanilang kita at mapalakas ang kanilang ani.
Pinangunahan ni Secretary Brother John Castriciones ang pamamahagi ng tulong pangkabuhayan sa mga ARBs, na bawat isa ay tumanggap ng isang sakong inbreed seed, apat na bag ng 14-14-14, apat na bag ng 45-0-0, limang bag ng organikong pataba, dalawang bag ng foliar fertilizer, at tatlong bag ng 16-20-0.
Ang tulong pangkabuhayan, na ipinapatupad sa ilalim ng Convergence on Livelihood Assistance for Agrarian Reform beneficiaries Project (CLAAP), ay ipinagkaloob sa mga ARBs matapos nilang lumahok sa isang malawakang pagsasanay upang mapabuti ang kanilang ani at kalidad ng kanilang produkto.
“Ang ating pong pamahalaan ay naririto upang patuloy na tulungan ang ating mga magsasaka. Nais namin na maging maayos ang kanilang buhay at sila ay maging maginhawa, kahit pa sa panahon ng pandemya,” sinabi ni Brother John.
Sinabi ni provincial agrarian reform program officer II Maria Ana B. Francisco na nuong nakaraang taon, ang CLAAP ay nakatuon sa pagkakaloob ng kambing bilang mapagkukunan ng kitang pang-kabuhayan. Sa programang ito, may kabuuang 453 na agrarian reform beneficiaries ang nakinabang mula sa sampung munisipalidad at isang lungsod sa Pangasinan. Para sa taong ito ng 2020, ang CLAAP nakatuon sa produksyon ng palay at pagbebenta ng kanilang produkto.
“Nuong 2019, ang mga ARB ay sumailalim sa pagsasanay kung saan ipinakilala sa kanila ang benepisyo at ganansya sa pagpapalaki at pag-aalaga ng kambing bilang mapagkukunan ng pagkakitaang pang-kabuhayan. Sa programang ito, 906 na mga kambing ang ipinagkaloob sa 453 na mga magsasakang benepisyaryo. Ang bawat ARB ay binigyan din ng gamot at bitamina para sa mga kambing.
Sinabi ni Francisco na ayon sa ulat sa pagsubaybay ng DAR Pangasinan, ang mga ARBs ay naging matagumpay sa pag-aalaga at pagpapalaki ng kambing, kung saan sila ay nakapagparami ng higit sa 75% ng mga kambing.
Ang CLAAP ay isang ideya ni DAR Undersecretary Emily Padilla sa pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may layunining madagdagan ang kita ng mga ARBs. # # # (Public Assistance and Media Relations Service, Department of Agrarian Reform)