Tinukoy ng proyekto ng Central Mindanao University (CMU) ang mga ‘risk factors’ nang pagkakaroon ng Classical Swine Fever (CSF) ng mga komersyal na baboy at ‘backyard pigs.’
Kasama sa mga risk factors na tinukoy ay ang kaalaman, pag-uugali, at kasanayan ng mga nag-aalaga ng baboy sa Mindanao pagdating sa CSF at pag-kontrol nito. Ang mga impormasyong ito ay mahalaga sa pagpuksa ng CSF na isang lubhang nakahahawa at nakamamatay na sakit ng mga baboy.
Ang CSF, na kilala rin bilang ‘hog cholera,’ ay nakapagdudulot ng mataas na lagnat, kawalan ng gana, pagtitibi na sinusundan ng pagtatae o diarrhea, impeksyon o pamumula ng mata, pagsusuka, pagsusugat sa balat, sakit sa utak at pag-iisip, pagka-lumpo, at kumbulsyon. Kalimitang namamatay ang baboy makalipas ang sampung araw pagkatapos maimpeksyon.
Ayon sa CMU, ang karagdagang kaalaman sa CSF sa pamamagitan ng proyekto ay makatutulong sa pagdebelop ng epektibong istratehiya laban dito.
Sa limang rehiyon sa Mindanao, ang Region IX o Western Mindanao ang may pinakamataas na ‘seroprevalence’ o lebel ng ‘antibodies’ sa dugo ng mga baboy kontra sa CSF. Ito ay dahil sa ‘exposure’ ng mga baboy sa rehiyon sa CSF virus o bakuna. Samantala, ang mga backyard pigs sa Region XII o Southern Mindanao ang mayroong pinakamababang ‘seroprevalence.’
Ang mga sumusunod na ‘risk factors’ ng CSF ang natukoy sa Mindanao: paggamit ng inu-upahang barakong baboy; pagkakaroon ng sakit na nagdulot ng kahinaan at anorexia; pagpapakain ng tira-tirang pagkain sa baboy; pakikipaghalubilo sa ibang baboy o hayop; hindi paghihiwalay ng mga baboy na may sakit; dalas ng paglilinis; hindi paggamit ng tubig sa paglilinis o ‘dry cleaning’ ng babuyan; hindi paggamit ng bahay para sa baboy; kakulangan sa karanasan ng nagaalaga; at kawalan ng ‘quarantine management.’
Ang mga nag-aalaga ng baboy sa Mindanao ay may kaalaman sa CSF ngunit walang kaalaman tungkol sa mga ‘risk factors’ nito. Samantala, ang kasanayan at pag-uugali nila ay pabor sa pag-kontrol ng nasabing sakit ng baboy sa Mindanao.
Ang resulta ng pag-aaral, ayon sa CMU, ay magsisilbing gabay sa pagpapahusay ng mga inisyatibo ng gobyerno sa pagpuksa ng CSF sa Mindanao.
Nagsasagawa na ng mga pagpupulong ang Bureau of Animal Industry ng Department of Agriculture (DA-BAI) kasama ang iba’t ibang mga ‘stakeholder’ upang paghusayin ang mga istratehiya laban sa CSF (Isinalin sa Filipino ni Gian Carlo D. Camacho, DOST-PCAARRD S&T Media Services).